PINAG-IINITAN na naman ng gobyerno ang limpak-limpak na kayamanan ni boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Kaya naman nag-SOS na si Manny at asawang si Jinky sa Korte Suprema upang itigil ng Bureau of Internal Revenue ang pagsamsam sa kanyang mga asset para punan ang umano ay dalawang bilyong pisong pagkakautang sa buwis noong 2008 at 2009.
Tingin ko’y maayos nang naipaliwanag ni Pacman ang usaping ito. Nagbayad na siya ng tax sa US kaya tulad ng ibang nagtatrabaho sa ibang bansa na binuwisan na sa bansang pinaglilingkuran nila, dapat libre na siya sa buwis.
Kahit pagsama-samahin ang lahat ng boxing champion ng Pilipinas mula pa sa panahon ni Flash Elorde, hindi matutumbasan ang karangalang idinulot ni Pacman sa Pilipinas. Kahit nilalait sa ibang bansa ang Pilipinas dahil sa sobrang korapsyon, trapik, pangit na paliparan at laganap na kriminalidad, kapag narinig ang pangalang Pacquiao, sumasaludo ang mga dayuhan sa atin.
At ang ipinuhunan ni Pacquiao ay ang kanyang sariling buhay sa pakikihamok sa mga malalakas at de kalibreng boksingero sa daigdig. Ganyan ba natin dapat tratuhin ang mga bayani ng sports na Pilipino?
Kaya inaakusahang walang puso ang gobyernong ito dahil sa ganyang sistema.
Kaya kung walang kinatakutang kalaban sa ring si Pacquiao, siguradong nanginginig ang tuhod niya sa bantang mawawala ang kanyang pinaghirapang kayamanan. Kinumpirma kasi ng BIR sa pagdinig sa Court of Tax Appeals na itutuloy nito ang pagkulekta sa buwis kung hindi magkakaroon ng bisa ang suspension order ng Mataas na Tribunal dahil sa kabiguan ng mga petitioner na magdeposito ng malaking halaga ng cash bond.
Isa pa, on-going na ang collection proceedings para sa pinupuntiryang kayamanan ni Pacman. Kung ako si Pacman, papayag siguro ko na kunin ng gobyerno ang pera ko kung walang talamak na nakawan at katiwalian sa gobyerno. Dapat na sapilitang kunin ay ang sandamakmak na salapi ng mga kilalang magnanakaw sa gobyerno. Ang tanong, ginganyan kaya si Pacman dahil kalaban siya ng administrasyon sa pulitika? Nagtatanong lang po.