NIREREBISA na umano ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nag-file ng certificate of candidacy (CoC) para sa pagka-presidente. Iniisa-isa na umano at maingat na sinasala. Nasa 130 presidentiables ang kanilang rerebisahin at malaking abala rin ito para sa kanila. Sa halip na ibang mahalagang bagay ang kanilang aatupagin, ang paghimay sa presidentiables ang kanilang haharapin. Kung sa simula pa lamang ay hindi na pinayagan na makapag-file ang mga “panggulo”, hindi sana aabot sa ganito ang lahat. Sa pagrebisa sa mga “panggulo”, gagastos pa ang Comelec at maraming sasayanging oras. Siyempre, aabutin din sila ng ilang araw bago tuluyang ideklarang “nuisance” ang karamihan sa 130 presidentiables.
Ayon sa Comelec, ang 130 presidentiables ay mati-trim sa hanggang lima lamang. Kaya ang 125 na idedeklarang “nuisance” ay uuwing luhaan. Wala nang pag-asa na maging presidente ng bansa. Kabilang sa mga nag-file ng CoC ay ang nagpapatawag sa pangalang Lucifer. Isa raw siyang anti-Christ. Nagtalumpati pa si Lucifer pagkaraang makapag-file ng CoC.
Isa pang lalaking nag-file ng CoC ang nagsabi naman na kung siya ang mahahalal na presidente ay aalisin niya ang buwis sa Pilipinas. Iba naman ang sinabi ng isang babaing nangangarap ding maging presidente. Kung siya raw ang iboboto, magiging banal ang mga tao. Wala na raw gagawa ng masama. Kaya raw siya nagpasyang tumakbo para presidente ay sapagkat sinabi raw iyon sa kanya ng Diyos. Ibinulong daw sa kanya na tumakbo.
Kung sa simula pa lang ay hindi na hinahayaan ang mga “panggulo”, hindi na maaabala ang Comelec. Ngayon ay dagdag-abala pa ang mga panggulo. Sana makagawa ng paraan ang Comelec na huwag nang hayaang makapag-file ang mga “panggulo”. Gumawa sila ng patakaran para hindi na makagulo pa ang mga nagnanais daw maging pangulo na lumalabas namang “panggulo”. Hindi na sana makipaglaro pa ang Comelec sa mga taong ito. Panahon na para baguhin na ang sistema sa pagpa-file ng CoC.