EDITORYAL - Kulang pa sa paghahanda
KULANG pa sa kahandaan ang pamahalaan kapag may tumatama na bagyo. Sa kabila na sinabi na handang-handa na, hindi rin iyon nangyari sapagkat mayroon pa ring casualties. Hindi rin naiwasang may mamatay kahit ang target ng gobyerno ay “zero casualties”. At hindi pa rin sapat ang mga kagamitan para lubusang makapag-rescue sa mga na-trap sa baha at makapagdala ng relief goods. Kulang na kulang pa sa paghahanda at maaaring marami pang bagyo ang tatama bago lubusang maging bihasa sa pagharap sa mga mabibigat na kalamidad.
Ang Bagyong Lando ang pinaka-distructive typhoon na tumama sa bansa ngayong 2015. Nag-iwan ng 60 patay at nagwasak sa maraming ari-arian, pananim, at mga bahay na nagkakahalaga ng bilyong piso. Pinakamatinding tinamaan ang Baler, Nueva Ecija, Pangasinan, Pampanga, Isabela at Benguet. Maraming palay sa Nueva Ecija at Pampanga ang nalubog sa putik at hindi na mapapakinabangan. Pinaka-marami naman ang namatay sa Benguet na umabot sa 11 ang namatay dahilan para sibakin ang hepe ng pulisya roon. Hindi umano nakahanda ang pulisya sa Benguet gayung mayroong standard procedures ang PNP kung may tumatamang disaster o kalamidad.
Nang tumama ang Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong Nobyembre 8, 2013 na ikinamatay ng 6,000 katao, inaasahang may malaking aral nang makukuha ang pamahalaan at maski ang mamamayan, subalit hindi pa rin pala sapat ang delubyong iyon para magtanda. Sa kabila na may panawagan ang local na pamahalaan sa mga residente para lumikas sa lugar, marami pa rin ang matitigas ang ulo at ayaw umalis sa kani-kanilang mga bahay hanggang may tangayin ng baha at nalunod. Mayroong nabagsakan ng kahoy sa Baler habang nananalasa ang bagyo.
Ginawa ng pamahalaan ang lahat pero kulang pa rin. Maaaring sa sunod na pagtama ng bagyo ay magkakaroon na ng katuparan na wala nang mamamatay sapagkat handang-handa na. Umaasa namang magkakaroon pa ng mga modernong gamit ang PAGASA upang makapagbigay nang mas malinaw na babala ukol sa bagyo.
- Latest