Wala na sa listahan, pero may mga problema pa rin
HINDI na raw kabilang ang NAIA sa 10 pinakamasamang airport sa mundo. Ayon sa pinakabagong listahan sa website na “The Guide to Sleeping in Airports” kung saan mga manlalakbay mismo ang nagbibigay ng grado sa mga airport na napuntahan nila, ang NAIA ay wala na “Top 10 Worst Airports” sa mundo. Matatandaan na mula 2011 hanggang 2013, pasok ang NAIA sa nakakahiyang listahan na iyan. Nakatulong umano ang ginawang rehabilitasyon ng NAIA Terminal 1, pati na rin ang paglipat ng mga ibang kumpanya sa NAIA Terminal 3 para mabawasan ang dami ng tao sa Terminal 1 na madalas inirereklamo ng mga pasahero. May itinayong Wings Transit Lounge na rin sa Terminal 3 kung saan pwedeng magpahinga nang maayos, kaya lang may bayad para makapasok.
Pero ang NAIA ay pangwalo pa rin na masamang airport sa Asya. Ang mga karaniwang reklamo ay ang umano’y masamang serbisyo sa mga pasahero, mahahabang pila, konting pagpipiliang pagkain, kakulangan ng maayos na palikuran at kakulangan ng mauupuan. Mahirap talaga malagay sa parehong rehiyon ng Singapore, Hong Kong, South Korea, Japan at Taiwan na may napakagandang mga airport. Tinatalo na rin tayo ng tatlong airport sa India.
Nagsisikap pa rin ang pamunuan ng NAIA para maayos nang husto ang mga problema ng airport tulad ng mga tumutulong bubong at gumuguhong sahig. Sino nga naman ang may gusto niyan? Hindi rin nakakatulong ang isyu ng “tanim-bala” na nagaganap umano sa NAIA, kung saan lumutang na ang ilang biktima. Nangako ang NAIA na gagawin ang lahat para matigil ang sistemang ito na nagdudulot ng matinding peligro sa mga pasahero, maging lokal na residente o dayuhan. Pati na rin ang pagbukas ng mga balikbayan box. Kailan lang ay isang pari ang nagreklamo nang mapansing bukas at kinuhanan na ng mga laman ang inuwi niyang balikbayan box. Sa Terminal 1 umano naganap ang pagbukas ng kahon. Pari pa naman ang ninakawan. Bahala na ang Diyos sa gumawa nito, pero maganda rin kung malaman at maparusahan. Wala na talagang sagrado sa mga kawatang ito. Paano pa kaya kapag Disyembre na at parating ang mga uuwi para magdiwang ng Pasko sa bansa? Pagpipistahan ba ang kanilang mga dalang kahon?
- Latest