Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
SA AKING KARANASAN marami nang pagkakataon na ako’y nalagay sa alanganin dahil sa init ng ulo. Marami na rin akong nakita na mga taong mas grabe ang nangyari matapos ang gulo.
“Hindi raw uusad ang kaso dahil sa kondisyon ng inirereklamo namin. Kailangan daw dumaan pa siya sa ilang operasyon bago humarap sa Prosecutor,” wika ni Gina.
Nabalita sa telebisyon ang barilan sa MOA na ang taong sangkot ay ang isang gwardiya na si Kevin Salem noong Oktubre 1, 2015.
Apat na taon nang nagsasama sina Gina Mortel at Kevin. Nagkaroon sila ng dalawang anak isang dalawang taon at isang sampung buwang gulang na sanggol.
Nagtatrabaho bilang ‘security guard’sa ‘SM Mall of Asia’ (MOA) si Kevin at panggabi ang duty nito.
Alas dos kwarenta ng umaga nang makatanggap ng tawag si Gina mula sa kasamahan na si Reggie Caranel.
“Pumunta ka sa San Juan de Dios Hospital!”
Nagtaka si Gina at nang tanungin niya kung anong dahilan hindi na ito sumagot basta kailangan daw niyang pumunta dun.
Ang asawa niya lang ang dahilan kung bakit sa ospital siya pinapapunta. Unang inisip niya kung ano ang nangyari dito at kung ano ang kondisyon nito.
“Baka nadisgrasya siya sa pagbibisekleta mula sa bahay papuntang trabaho. Araw-araw niyang ginagawa ito mula Para?aque papuntang MOA,” ayon kay Gina.
Dumiretso siya sa emergency room para hanapin ang kanyang asawa. Nanlumo na lamang siya nang sabihin sa kanya ng nurse na nasa morgue na.
Natigilan si Gina at para bang namanhid ang kanyang buong katawan at wala siyang naririnig. Nanlambot ang kanyang mga tuhod at naiwan siyang nakatayo na parang bato.
Ang tanging narinig niya ay ang mga katagang sinabi ng kaharap niya na ‘dead on arrival’ na si Kevin nang dalhin sa ospital dahil nabaril ito. Hindi niya namalayan na naglakad siya papuntang morgue. Dun nakita niya na nakahiga ang katawan ng asawa sa ibabaw ng sementadong kama hinawakan niya si Kevin at humagulgol ng iyak.
May tama ng bala sa kaliwang dibdib. Ang kamay nito ay parang may marka raw ng mga paso.
“Balita sa ‘kin may nakaaway daw siyang marine. Sinita niya dahil papunta sa restricted area,” kwento ni Gina.
Dagdag ni Gina may mga bar daw kasi sa palibot ng MOA at napadpad ito sa hindi pwedeng puntahan ng tao. Lasing na nun ang nakaaway ni Kevin.
May dalang kalibre kwarenta’y singko ang nakasagutan ni Kevin at nang magtalo ang dalawa nagkaagawan hanggang sa naputukan ito sa dibdib. May tama rin sa mukha ang marine na lumusot naman sa bandang ulo.
Sa Incident Report na pinirmahan ni PSInsp. Joel Doria ng Pasay PNP, bandang 1:20 ng umaga ng Oktubre 1, 2015 nang magkaroon ng gulo at nag-agawan ng kalibre 45 si Kevin at ang Marine na si PFC Jeffrey Yap.
Ayon sa kasamahan ni PFC Yap na sina PFC Rommel Lazona at PFC Doneil Alalan na ang asawa ni PFC Yap ay dumadaan sa perimeter at pinagbawalan ito ni Kevin dahil gabi na at itinuro nito ang sidewalk para dun dumaan.
Ikinagalit ito ni PFC Yap. Nagtalo ang dalawa at dun nagsimula ang away. Inawat sila ng mga kasama. Dinala ni PFC Lazona sa banyo si PFC Yap ngunit sumunod daw si Kevin at hinahamon ito dala ang kanyang batuta.
Hindi nakapagpigil si PFC Yap at nang lumabas ito ng banyo hawak na niya ang kanyang baril na kalibre kwarenta’y singko. Nagkaagawan ang dalawa at isang putok ang umalingawngaw. Nagkaroon sila pareho ng tama.
Sa panayam naman kay SG Gren Tipawan kasamahan ni Kevin, habang siya’y nasa kanyang post ilang metro ang layo sa pinangyarihan nakarinig siya ng isang putok ng baril. Hinanap niya kung saan ito nanggaling at dun na niya nakitang duguan pareho ang nag-aaway.
Napansin niya ang kalibre kwarenta’y singko na may laman pang pitong bala at nasa palad ni PFC Yap. Isinugod nila sa ospital ang dalaw.
Nakitaan naman ng gun powder burn sa kaliwang kamay ni Kevin nang inspeksiyonin nila ang katawan nito.
Humihingi rin ng mga dokumento sa pamilya ni PFC Yap kung talaga bang otorisado siyang magdala ng baril dahil hindi ito ‘government issue’ at walang ‘memorandum receipt’ (MR) at ‘mission order’ (MO).
Nagsampa ng kasong Homicide ang ina ni Kevin na si Mary Grace Salem laban kay PFC Yap habang Illegal Possession of Fire Arms naman ang ikinaso kay PFC Yap ng mga pulis.
Sinagot naman ng ahensiya ni Kevin na Mega Octagon Security Agency ang gastusin sa punerarya na umabot ng Php43,000. Apat na taon na raw itong nagtatrabaho dun. Wala raw itong ibinigay ng benepisyo sa pamilya sapagkat hindi raw umabot ng limang taon sa serbisyo si Kevin.
Tanong nina Gina ano na ang mangyayari sa kanilang kaso kung ganito ang kondisyon ng kanilang inirereklamo. Wala na rin ba silang makukuhang tulong mula sa ahensiya ng kinakasama gayung batang-bata pa lang ang kanilang mga anak.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa ganitong uri ng insidente malaking maitutulong ang isinagawang ‘medico legal examination report’. Ang doktor na sumuri na kasama sa SOCO ang maaaring magbigay ng mga importanteng impormasyon katulad ng sino ang unang tinamaan, ang bala ba ay lumusot at tumama sa isa?
Sa ‘trajectory’ ng bala masasagot lahat ito. Ang isang maliwanag dito ay ito ay kaso ng Homicide. Nagtalo ang dalawang matapang at maangas na tao. Pwede namang palampasin ito nang hindi na humaba pa.
Importante rin ang testimonya ng testigo kung sino ang naglabas ng baril. Hindi depensa yung tinatawag na ‘provoke anger’ dahil maaari ka namang umiwas at tumawag na lang ng pulis. Tama ang sinabi kay Gina hanggat hindi gumagaling at magkaroon ng sapat na lakas na humarap sa isang Prosecutor mahirap na magkaroon ng resolusyon ang kaso.
Pero sa ganang akin ang maaaring pagbatayan ng taga-usig ay merong napatay. Isampa ang kasong Homicide at bahala na sa husgado magbakbakan ang kani-kanilang mga ebidensiya at mga testigo.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.