MARAMING malalaking proyekto ng gobyerno ang nakatengga pa rin at naantala.
Mga big ticket infrastructure project ng kasalukuyang administrasyon tulad ng mga airport, pantalan, daan, tulay, mass transport at iba pa na matagal nang pinondohan ng bilyones na pera ng taumbayan.
Papaano ba naman kasi, ang mga natalong bidder, tumatakbo sa hukuman para kumuha ng temporary restraining order (TRO) sa hindi nakuhang espisipikong proyekto.
Ang dahilan, kuwestyunable umano ang integridad ng proseso ng bidding ganundin ang integridad ng nagpapatupad nito sa departamento at sa palagay nila may pinaboran ang kung sinumang nakaupo.
Lingid sa kaalaman ng isang simpleng Juan at Juana Dela Cruz, sa bawat malalaking proyektong imprastruktura laging mayroong malaking pulitikong nasa likod nito o “patron” ng mga lehitimong kontratista.
Nagpapatalbugan, nagpapagalingan at nagbabangayan sa ngalan ng bilyones na makukuhang komisyon sa proyekto. Kung hindi mga gabinete, mga kalihim ng departamento o ‘di naman kaya may matataas na pwesto sa pamahalaan na kung titingnan, iisa lang ang kulay.
Kung sino ang mas maimpluwensya, depende sa iniyayabang niyang pangalan at kung saang rehiyon itatayo ang imprastruktura sa kaniya mapupunta ang proyekto. Sila ang mga operator sa pagitan ng gobyerno at pribadong kontratista.
Ang talunan namang pulitiko na nasa likod ng private bidder, bubulong sa kanyang manok na tumakbo sa korte. Ang resulta, pagkaantala ng mga proyekto, taumbayan tuloy ang napiperwisyo.
Ito ang bulok nang sistemang umiiral sa gobyerno kung saan ang inaa-anunsyong bidding, sarsuela nalang at bago pa man ilabas ang resulta, ‘naluto’ na kung sino ang papaboran.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.