KAPAG may kalamidad, lumulutang ang mga mapagsamantalang negosyante na masahol pa sa mga hayok na buwitre. Ito ang panahon na kanilang hinihintay para kumita nang malaki. Pagkakataon na para maging masagana sa gitna na marami ang napinsala.
Ang mga buwitreng ito ang dapat bantayan sa mga lugar na pininsala ng Bagyong Lando. Nasa 60,000 tao ang apektado ng bagyo sa Central at Northern Luzon. Pinakaapektado ang Baler, Aurora kung saan unang tumama ang bagyo. Maraming nawasak na bahay at pananim sa lugar. Grabe ring naapektuhan ang Isabela, La Union, Ilocos Sur, Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bataan at Bulacan. Hanggang sa kasalukuyan, mataas pa ang baha sa mga nabanggit na lugar. Marami pa ang mga nasa evacuation centers. Karamihan sa kanila ay nangangailangan ng tulong. Pagkain ang dapat ibigay sa mga biktima ng bagyo. Ayon sa report, may mga lugar na hindi pa naaabot dahil walang madaanan. Naghambalang ang mga natumbang kahoy at poste ng kuryente.
Lilipana ang mga buwitreng negosyante sa lugar ng kalamidad. Itataas ang kanilang produkto para kumita nang malaki. Mayroong itatago pa ang kanilang paninda at ilalabas kapag wala nang mabili pero sa mataas nang presyo. Hindi sila nakokonsensiya sapagkat mas nananaig ang pagkita nang malaki.
Nangyari na ang pagsasamantala ng mga buwitreng negosyante nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013. Hindi lamang pangunahing produkto ang itinaas ng presyo kundi pati na rin ang mga gamit para sa pagpapagawa ng bahay --- yero, kahoy, pako at iba pang construction materials.
Bukod sa mga buwitreng negosyante, dapat ding matyagan ang pamamahagi ng relief goods mula sa gobyerno at donors at baka mapunta lamang sa mga hidhid at korap. Hindi dapat maulit ang nangyari sa mga nakaraang kalamidad na maraming biktima ang hindi nakatikim ng tulong.