Nakapagtataka

HINDI ko maintindihan ang patakaran ng PNP sa mga pulis na sangkot sa iba’t ibang krimen. Hindi ko maintidihan kung bakit malaya, armado at tila pinababayaang gumala at gawin ang kahit ano. Katulad na lang ng kaso ni PO2 Manuel Fuentes. Si Fuentes ay kinasuhan na pala ng robbery noong nakaraang taon at kidnapping nang dukutin ang isang traysikel drayber noong nakaraang Hulyo. Nakadestino sa Police Holding and Administrative Unit sa Camp Crame dahil may kaso, pero noong Setyembre 21 ay nag-AWOL na. Pero dahil hindi nga makapagpigil sa pagiging kriminal, nahuli ulit siya dahil sa panunutok ng baril at pa­ngingikil ng droga sa Tondo. Nakunan siya ng CCTV.

Kung kinulong na pala noong Hulyo, bakit pinalabas pa? At anong silbi ng Police Holding and Administrative Unit kung hindi naman nila nahahawakan ang mga naka-destino roon? Hindi ordinaryong tao ang pulis. Dumaan sa pag-aaral at pagsasanay para labanan ang krimen. Marunong humawak ng baril at handang gamitin kung kinakailangan. Sa madaling salita, kaya pumatay ng tao. Kaya kapag sila na ang sangkot sa krimen, dapat lang mas mahigpit ang pagbantay sa kanila, at mas mabigat ang parusa. Ilang beses na nating narinig na ang pulis na sangkot sa anumang krimen ay may dati na palang kaso. Ganito na lang ba palagi? Di kaya dapat pag-aralan at baguhin na ang mga patakaran?

Mismong si DILG Sec. Mel Sarmiento ang nagtataka kung bakit suspensyon lang ang ipinataw kay Fuentes kung patung-patong na pala ang kaso. Dapat nakakulong na. Kaya may panukala na baguhin ang People’s Law Enforcement Board (PLEB) para gawing simple at mabilis ang proseso sa pagsampa ng kaso laban sa mga pulis na sangkot sa krimen. Kasama rin ang PNP at National Police Commission sa diskusyon para baguhin ang proseso­. Lumalabas na dahil sa bagal ng proseso, nakakalaya o nakakatakas na ang mga pulis at tuluyan nang namunuhay bilang kriminal. Hindi rin malayong isipin na baka sinasadya ang mabagal na takbo ng kaso. Pero habang pinag-aaralan iyan, dapat lahat nang pulis na sangkot sakrimen, o may reklamo ng pang-aabuso laban sa kanila, dapat nakakulong o limitado na ang paggalaw. Hindi rin dapat pinapayagang magdala pa ng baril. Kung nagagawa nila ang pag-detain sa mga senador na nakasuhan, bakit hindi sa mga pulis?

Show comments