KAPANSIN-pansin ang mga taong namamalimos sa bahagi ng Ortigas Avenue kanto ng Meralco Avenue, Pasig City. ‘Invisible people’ kung sila ay tawagin dahil hindi sila pinapansin o ‘di naman kaya sadyang ayaw pansinin at itinuring pangkaranawing tanawin nalang sa mga lansangan ng Metro Manila.
Mga matatandang may kapansanan sa paningin na tumi-tyempo sa pagpalit ng traffic light para makalapit sa mga sasakyan. Kapag pula na ang ilaw, isa-isa nang kinakapa at kinakatok ang mga salaming bintana ng mga motorista gamit ang kamay o anumang bagay na lalagyan ng ibibigay na papel, kung swerte o ‘di naman kaya, barya.
Inimbestigahan ng BITAG The New Generation ang mga matatandang bulag na ito sa Lungsod ng Pasig. Hindi matiyak kung sila ay ipinakakalat ng mga organisadong sindikato para pagkolektahin ng pera o pakalat mismo ng kanilang mga kaanak. Sa isinagawang serye ng surveillance at field investigation ng aming grupo, nabatid, ang mga invisible people, iisa lang ang pinanggagalingan at inuuwian araw-araw.
Bawat isa sa kanila, may kaniya-kaniyang handler o alalay. “Bulagan” ang tawag sa kanilang komunidad, isang barangay sa Pasig City o sa bahagi ng Manggahan. Sinubukang makipag-ugnayan ng BITAG The New Generation sa lokal na pamahalaan ng Pasig kung saan ipinagmayabang nila ang kanilang mga proyekto at programa umano sa mga bulag sa kanilang lugar.
Pero nang kumpirmahin namin sa mga namamalimos ang sinasabi ng pamunuan ng Pasig City, iba ang lumabas sa bibig ng mga matatandang bulag na naglagay sa lokal na pamahalaan sa sentro ng kontrobersiya.
Uploaded ang ‘Invisible People’ sa bitagtheoriginal.com click BITAG NEW GENERATION.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.