NGAYONG natapos at humupa na ang lahat ng kaguluhan kung tatakbo ba o hindi si Mayor Rodrigo Duterte, lumalabas na hindi exciting ang 2016 local elections dito sa Davao City.
At ang katapusan ay hindi lumitaw si Duterte sa Commission on Elections nang dumating ang 5:00 p.m. na deadline sa filing ng Certificate of Candidacy. Walang Duterteng dumating at hayun natuldukan na rin lahat ng haka-haka kung tatakbo ba siya sa pagkapangulo o hindi.
Hindi rin nag-file ng kanyang COC for mayor ang anak niyang si Inday Sara.
Kaya ganito yon----para na ring unopposed si Duterte sa kanyang reelection bid dahil ang dalawang nag-file ng COC ay pawang hindi naman siguro seryoso sa kanilang political moves.
At tanging nag-iisa si Vice Mayor Paolo Duterte na nag-file ng COC sa pagka-bise mayor na ibig sabihin walang hahadlang sa kanyang reelection bid.
Gayun din sa pagka- Congressman sa first district ng Davao City na unopposed din si incumbent Rep. Karlo Nograles.
Si Incumbent 2nd district Rep. Mylene Garcia-Albano naman ay para na ring unopposed kahit na merong dalawang nagfile ng COC.
At tanging sa 3rd district lang ang may malinaw na labanan sa pagitan ni Councilor Karlo Bello at ng kapatid ng incumbent Rep. Isidro Ungab na si Engr. Albert na papalit sa kanya.
Kaya tiyak na magkanda-kumahog ang mga kandidato sa mga national positions sa panliligaw kay Duterte kung sino ang iendorso nito.
Kaso naging malinaw na hindi susuportahan ni Duterte si Mar Roxas ng Liberal Party at hindi rin niya iendorso si Senator Grace Poe at maging si VP Jejomar Binay.
Paano na lang sila mangangampanya dito sa Davao City?
‘Yan ang kaabang-abang!