AYON kay Steve Forbes, ang chairman at editor-in-chief ng Forbes Media, kung magpapatuloy ang magandang ekonomiya sa mga darating na taon, mas dadami pa ang mga magiging bilyonaryo sa Pilipinas. Sa ngayon, may labimpitong bilyonaryo sa bansa. At isang bilyong dolyares ang pinag-uusapan, hindi isang bilyong piso. Ayon sa kanya, kasabay ng magandang ekonomiya ang pagtaas ng sahod para sa lahat. Kung may magandang sistema ng pulitika na magpapatuloy ng magandang ekonomiya, makakamit ito. Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay isa nang tigreng ekonomiya sa rehiyon, at sa tingin niya ay magpapatuloy ito sa kabila ng pagbagal ng ekonomiya ng mga ibang bansa sa Asya.
Pero may puwede pa raw gawin para mas mapabilis pa ang pag-unlad ng bansa. Dapat bawasan daw ang buwis sa bansa, at gawing mas madali o mas simple ang pagkolekta ng buwis. Ayon sa kanya, kung hindi iiwasan ng tao ang pagbayad ng tamang buwis dahil mataas at kumplikado, mas gaganda ang pagkolekta nito. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ang may pinakamataas na buwis sa ASEAN 32 percent.
Maganda ang kanyang mga pahayag at payo. Patunay na maganda ang nagawa talaga ng administrasyong Aquino para sa ekonomiya ng bansa. Alam naman natin na kaya nanatili ang Pilipinas na “sick man of Asia” noon ay dahil sa korapsyon na nagsimula sa panahon ni Marcos. Hindi ako magtataka kung bakit mataas ang buwis sa bansa ay dahil malaki ang ikinakabig ng mga tiwaling tao imbis na mapunta sa bansa. Ito na rin ang dahilan kung bakit marami nga ang umiiwas na magbayad ng buwis, dahil naniniwalang sa bulsa ng ilang mga pulitiko lang napupunta. Ang bilang ng mga kilalang bilyonaryo sa bansa ay ang mga lehitimong negosyante, pero may mga bilyonaryo diyan na patago, kasi nga galing sa katiwalian ang yaman na hindi talaga mapapaliwanag. Sila ang naninira ng ekonomiya.
Sino ang mag-aakala na papasok sa Pilipinas ang mga mamahaling sasakyan tulad ng Rolls-Royce, Lamborghini, Porsche, Lotus, Maserati at iba pa. Ang mga kilalang tatak ng kagamitan na noon ay sa Hong Kong lang mabibiling Pilipino ay nandito na rin. Nakita nila na may merkado na para sa mga sasakyan at kagamitang ito dahil may mga bilyonaryo na sa bansa, at malakas ang ekonomiya. Maganda talaga kung magpapatuloy, at hindi bumalik ang Pilipinas sa mga panahon ng kahirapan dahil sa katiwalian.