EDITORYAL - Political dynasties ang mamamayani sa 2016

KAHAPON nagtapos ang pagpa-file ng certificate of candidacy (CoC) ng mga kandidato. Sa loob ng limang araw na filing ng CoC, nakita na kung sino ang mga magkakapamilya (ama, ina, anak, manugang, apo at pinsan na sasabak sa 2016 elections). Sila ang nakikitang mamamayani sa election sa sunod na taon.

Kabilang sa mga nag-file ng kandidatura ang pamilya Binay ng Makati. Sila ay may tatlong dekada nang namumuno sa Makati. Si Vice President Jejomar Binay ay tatakbong presidente samantalang ang anak niya na si dating Makati Rep. Abigail Binay ay tatakbong mayor kapalit ng kapatid na si dating Mayor Junjun Binay na nahaharap sa graft case. Ang isa pang anak ni VP Binay na si Nancy ay kasalukuyang senador.

Ang Marcos family ay kabilang din sa mamamayani sa pulitika sa 2016. Si Sen. Bongbong Marcos ay kandidatong vice president. Ang kanyang ina at kapatid ay kandidato rin sa pagiging kongresista.

Marami pang pami-pamilya ang nagnanais makapuwesto sa 2016. Kapag hindi puwede ang mister, si Misis ang tatakbo o kaya’y ang anak. Sila-sila pa rin at walang pagbabago. Naging kalakaran na paikut-ikutin na lamang nila ang pamilya sa lungsod o bayan.

Sa 1987 Constitution, may probisyon na naka­saad na nagbabawal sa political dynasties subalit kinakailangang may batas para rito. Kailangang makapagpasa ng batas para lubusang malusaw ang political dynasties. Lumipas ang 28 taon mula nang maratipika ang Constitution subalit hanggang ngayon, walang ginagawa ang mga mambabatas para  lubusang magkaroon nang katuparan ang anti-dynasty bill. Tila walang sigla. Iisa ang dahilan, ang mga mambabatas mismo ang apektado ng lilikhaing batas sapagkat sila mismo ay kabilang sa political dynasties.

Hindi na maganda ang nangyayaring ito sa pulitika ng bansa na ang mga naghahari ay pami-pamilya. Wasakin na ang tradisyong magkakamag-anak ang nakaupo at nagiging gahaman na sa puwesto.

Sana’y pinursigi ng kasalukuyang administrasyon na maipasa ang Anti-Dysnasty Bill para mabuwag na ang paghahari ng pamilya. Pero nawala ang tapang ni President Aquino ukol sa Anti-Dynasty Bill. Sayang.

 

Show comments