(Part 2)
ALAM n’yo ba na ang ordinaryong baking soda (sodium bicarbonate) ay mabisang solusyon para sa ating problema sa balat, buhok at katawan? Alamin natin ang mga gamit nito:
1. Para sa tagihawat. Gumawa ng isang cream ng baking soda sa pamamagitan ng 2 kutsarang baking soda at 1 kutsaritang tubig. Ilagay ito sa mga tigyawat at hugasan ang mukha pagkaraan ng isang minuto.
2. Para sa kalyo sa paa at siko. Maghalo ng 4 na basong mainit na tubig at 4 na kutsarang baking soda. Ibabad ang paa, siko o kamay ng 10 minuto. Papakinisin ng baking soda ang iyong magaspang na balat. Kung may kalyo ka, puwede mong masahihin at palambutin ito ng baking soda cream. Maghalo ng 3 kutsaritang baking soda at 1 kutsaritang tubig.
3. Para sa mabahong sapatos at may alipunga. Maglagay ng konting baking soda sa loob ng mabahong sapatos at rubber shoes. Maaabsorb ng baking soda ang pawis at amoy ng sapatos. Mas hindi rin tutubo ang mga fungus sa sapatos. Kung ika’y may alipunga (athlete’s foot), ibabad ang paa sa isang solusyon ng sukang puti at tubig. Maghalo ng 1 basong sukang puti at 1 basong tubig. Ibabad ang paa ng 15 minutos, 2 beses sa maghapon. Pagkatapos ay lagyan ng konting baking soda ang mga pagitan ng daliri sa paa para hindi magpawis.
4. Bilang pabango. Puwedeng gamitin ang baking soda para sa kili-kili. Konti lang ang ipahid mo. Kung gusto mo ng basang deodorant, maghalo ng sapat na baking soda sa 70% rubbing alcohol. Ilagay ito sa isang spray bottle at gamitin na parang deodorant. Tanggal ang anghit.
5. Para sa acidic ang sikmura. Dahil alkaline ang baking soda, mabisa itong panlaban sa hyperacidity, iyung laging nangangasim ang sikmura. Maghalo ng kalahating kutsaritang baking soda sa kalahating basong tubig. Inumin ito, hanggang sa 3 beses sa maghapon. Huwag sosobrahan. Tandaan: Bawal mag-take ng lampas sa 3 kutsaritang baking soda sa 24 oras. Baka maging alkaline ang iyong dugo. Magtanong muna sa doktor.
6. Para sa may sakit sa kidney. Ayon sa pagsusuri na inilathala sa Journal of the American Society of Nephrology (July 16, 2009), ang baking soda ay tumutulong sa mga pasyenteng may chronic kidney disease. Ang mga pasyenteng nabigyan ng baking soda ay mas hindi nagkaroon ng kidney failure at hindi rin nag-dialysis. Magtanong muna sa inyong doktor bago gumamit nito! (Ito ang nirereseta ng doktor sa pangalang sodium bicarbonate tablets o baking soda!)
Mabibili ang baking soda sa supermarket sa halagang P45 bawat karton. Ang galing talaga!