DAHIL sa napakasama na ng trapik sa Metro Manila, marami ang gumagamit na lang ng internet para mamili ng kung anu-anong bagay. Napakamaginhawa nga naman ang mamili na lang sa internet. Mababayaran mo ang binili mo sa internet din, at i-dedeliver na lang ang bagay sa inyoing tahanan. Hindi ka na matutuyuan ng dugo sa kalsada, pati na rin sa paghanap ng mapaparadahan sa mga mall. Pero pati itong maginhawang pamamaraan ng pamimili ay napasukan na rin ng mga masasamang-loob.
Iniimbestigahan na ng NBI ang reklamo ng anim na nabiktima ng isang online seller ng mga mamahaling bag. Mga bag na nagkakahalaga ng kulang-kulang P100,000 kapag bago na ibinebenta ng wala pang P15,000 dahil segunda mano na. Naakit ang mga biktima sa presyo dahil mura nga naman. Pero nang magbayad na sila sa banko, tinakbuhan na umano ng nagbebenta ang kanilang mga pera, at wala namang pinadalang mga bag.
May peke ring mga broker ng lupain. Ganundin, sa internet nagkakaroon ng transaksyon. Broker daw ng Pag-IBIG. May mga nabiktima rin. Humingi ng down payment para sa mga bahay umano na puwede nang lipatan. Pero sa kinalaunan, peke rin ang broker at natangay lang ang kanilang mga pera.
Malaking ginhawa ang internet. Pero hindi lahat ng nasa internet ay legal, lehitimo at maayos. Dapat mag-ingat kapag pera na ang pinag-uusapan. Huwag lang magbigay ng pera nang hindi sinisiguradong maayos at tapat ang inyong kausap. Alamin kung lehitimo ang kausap. Makipagkita sa ligtas na lugar, at doon magbayad sabay na ang pagtanggap ng anumang bagay na binibili mo. Kaliwaan, ika nga. Puwede ring magtanong sa internet kung may karanasan na ang iba na makipagtransaksyon sa kausap mo. Kung may mga nabiktima na, malalaman mo.
Huwag na ring basta-basta maniwala sa mga kumakatok sa inyong tahanan. May nahuling nagpapanggap na taga-census. Nang makapasok na sa bahay, kung ano-ano na ang inaalok at pilit mabenta. Kung mahina ang loob mo ay wala ka nang magagawa. Dapat tingnan ang ID, at dapat hindi basta-basta pinapapasok sa bahay. Lahat ay gawin na muna sa labas ng bahay. Sabihan rin ang mga kasambahay at sila ang madalas na naloloko ng mga iyan. Kapag may duda, huwag nang kausapin at isara na lang nang mabuti ang pinto.