MAHIRAP maarok ang hustisya sa sinapit ng walong field officers ng PNP-Special Action Force. Demandado sila sa Ombudsman ng neglect of duty, sa pagkamatay ng SAF-44, mga tauhan nila, sa Mamasapano, Maguindanao, nu’ng Enero 25, 2015. Binubuo ang SAF-44 ng siyam na commandos ng 84th Special Action Company (Seaborne) na nabaril sa pag-atras mula sa pagkakapatay kay international terrorist Marwan, at ng 35 pa ng 55th SAC na support group. Alam ng lahat na Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang mga pumatay. Ka-truce ng gobyerno ang MILF, at ang BIFF ay breakaway na mga kamag-anak nila. Wala ni isa sa mga salarin ang nakakulong. Pero ang walong SAF officers ay napipintong masuspindi habang nililitis.
Ang mga sinakdal ay sina: Chief Supt. Noli Taliño; Sr. Supts. Richard dela Rosa, Edgar Monsalve, Abraham Abayari, Raymund Train, Michael John Mangahis, Rey Ariño; at Sr. Insp. Recaredo Marasigan.
Sumunod lang sila sa utos ng mga nakatataas. Si Train ang hepe ng Seaborne na namuno sa matapang na pagpasok sa kuta ng MILF-BIFF, pag-neutralize kay Marwan, at pag-exfiltrate habang patuloy silang binabanatan ng mortar at automatic rifles. Mga taga-Tactical Command Post at reinforcements ang iba pa. Kung sumuway sila sa utos, tiyak na demoted sila o kaya’y tanggal sa trabaho. Sa pagtupad sa misyon, demandado naman sila.
Samantala, pinasya ni Justice Sec. Leila de Lima nu’ng Huwebes na walang makakasuhang salarin sa pagpatay sa siyam na Seaborne at sumugat sa 13 pa. Nauna rito, nagsampa siya ng demanda laban sa 90 MILF/BIFF na pumatay sa 35 taga-55th SAC, pero itinago naman ang mga pangalan. Wala ni isang inaresto.
Nasaan ang hustisya diyan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).