SIYAM na buwan na ang nakalilipas mula nang mapatay ang 44 na miyembro ng Special Action Forces (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao partikular na ang siyam na miyembro nito na walang awang ini-execute. May video pang ipina-labas kung paano binabaril habang nakabulagta ang mga kawawang SAF. Pero hanggang ngayon, wala pang nakakakamit na hustisya ang mga bayaning tinupad lamang ang utos para hanapin at hulihin ang mga terorista sa pugad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Hanggang ngayon, hindi pa nakikilala ng pamahalaan ang mga may kagagawan sa pag-execute sa siyam na miyembro ng 84 SAF Company.
Kahit may mga kinasuhan ng 90 commanders ng MILF at BIFF at iba pang private armed groups ukol sa pagpatay sa SAF-44 wala namang ginagawang pag-aresto sa mga ito. Ni hindi nga alam ang mga pangalan ng mga nakasakdal. Paano makakakuha ng hustisya ang mga pinatay na SAF kung nagpapakita ng takot ang pamahalaan sa mga inaakusahang pumatay sa SAF commandos. Dahil ba may pag-uusap ang pamahalaan sa MILF kaya masyadong mabagal at halos walang pagkilos ang pamahalaan para ipursigi ang kaso at nang maparusahan ang mga may kasalanan? Hindi na nakapagtataka kung bakit nawawalan na ng interes ang mga mambabatas na ipursigi pa ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Pero sabi ni President Noynoy Aquino, ipapasa raw ang BBL sa kanyang termino. Malabo na ito sapagkat walong buwan na lamang ang kanyang admi-nistrasyon. At paano maipapasa kung mayroon pang nauuhaw sa hustisya? Kailangang lutasin muna ang pagpatay sa SAF-44. Hangga’t walang napaparusahan, walang paggalaw sa isinusulong na BBL.
Magkakaroon lamang ng katotohanan ang pagpapasa ng BBL kung magpapakita din naman ng kaseryosohan ang MILF at isusuko mismo ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa pag-execute sa SAF commandos. Sila na dapat ang magkusa para mapawi ang pag-aalinlangan nang sambayanan.