Ibayong serbisyo sa OFWs
MAS malawak at mas epektibong serbisyo ang maaasahan ng mga OFW sa magiging mas pinalakas na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ito ang inihayag ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, pangunahing may-akda ng Senate Bill 2955 (An Act to govern the operations and administration of the OWWA) na kabilang sa kaniyang 10 priority legislative measures sa kasalukuyang 16th Congress.
Aniya, “Isa sa pinakamahalagang probisyon nito ay ang pagtitiyak na ang mga kinokolektang membership contributions mula sa OFWs ay direktang gagamitin lahat sa mga programa at serbisyo para sa kanila, sa halip na ginagastos pa ito sa operasyon ng OWWA at pasuweldo sa mga kawani nito o personal services and maintenance and other operating expenses (PS & MOOE). Inilalatag din nito ang malinaw, detalyado at transparent na guidelines hinggil sa paggugol ng nasabing pondo.”
Ang naturang OWWA-administered OFW Funds ay binubuo ng nakukulektang OFW membership contributions na nagkakahalaga ng 25 US Dollars kada migranteng manggagawa, pati ang nagiging interest income at iba pang kinikita ng pondong ito.
Ibinahagi ni Jinggoy na sa public hearing na kanyang isinagawa bilang chairman ng Senate Committee on Labor and Employment ay idinulog ng mga organisasyon ng migranteng manggagawa ang kanilang reklamo na ang nasabing OFW Funds ay hindi nama-maximize sa mga serbisyo dahil ang malaking bahagi nito ay nagagamit sa PS & MOOE ng OWWA.
Itinatakda ng SB 2955 na ang PS & MOOE ng OWWA ay tutustusan na ng national government sa pamamagitan ng taunang appropriations.
Dagdag ni Jinggoy, “Isinasaad din ng hakbanging ito ang pagtitiyak ng mas malawak na mga serbisyo ng OWWA sa mga OFW partikular ang reintegration program, repatriation assistance, loan and credit assistance, on-site workers assistance, death and disability benefits, health care benefits, education and skills training, social services, family welfare assistance, at iba pa, gayundin ang laging presensya at kahandaan ng OWWA officers and personnel sa head office at mga sangay nito para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya.”
- Latest