TROUBLE shooting ang pinagkakaabalahan ngayon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada para gumanda ang imahe sa mga botanteng Manilenyo. Kasi, inuulan siya ng tuligsa ng mga taga-Maynila lalu na yung mga kapus-palad na nagpanalo sa kanya laban kay dating Mayor Alfredo Lim.
Kamakailan ay nagsagawa ng serye ng market holiday at rally ang mga apektadong vendors sa pitong palengke sa lungsod laban sa hakbang ng City Hall na isapribado ang mga palengke. In fairness, hinarap sila ni Mayor Erap. Pinangakuan sila na hindi na itutuloy ang privatization kundi isasa-ilalim na lamang ang mga ito sa renovation. Hindi na daw ipagkakatiwala sa mga pribadong kumpanya gaya ng naunang plano ng Office of the Mayor at Manila City Council.
Duda pa rin ang mga market vendors kung tutuparin ni Erap ang kanyang mga pangako. Nag-press release ang kampo ni Mayor Estrada. Ipinag-utos daw na ibalik ang libreng basic health services ng mga hospitals sa Maynila basta’t may orange card ka. Teka, bakit kailangan pa ng ‘Orange Card’? Aba’y dapat naman talagang libre ‘yan hindi ba? Grabe. Wala na ngang supply yung nakaraang administrasyon tapos pagdating ng bagong namumuno ay pinagbayad pa yung mga mahihirap? Kaya ang tanong ng barbero kong si Gustin, hindi kaya inalis ang bayad dahil malapit na ang eleksyon, at pagkatapos ng eleksyon ay muli na namang ibalik kung manalo ulit si Mayor?
Balita ko, ibinalik ni Meyor ang libreng serbisyo sa mga public hospitals sa Maynila dahil sa proyekto ni 5th District Congressman Amado Bagatsing katulong ang KABAKA Clinic, Pharmacy, Laboratory and Diagnostic Center. Dito’y libre ang consultation, gamot, laboratory at diagnostic services para sa mga mahihirap sa lungsod.
Mula nang buksan ang KABAKA Clinic sa Pandacan pitong buwan na ang nakalilipas, gayundin ang bagong bukas na sangay sa Tondo, tinatayang nasa 25,000 pasyente na ang nakinabang. Hindi na kailangang magpakita ng kahit ano’ng kulay na card. Walang pulitika. Tanong uli ng barbero ko, takot ba si Erap na maagawan ng puwesto ni Bagatsing na balitang tatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila?
Sa mismong survey ng kampo ni Erap ay lumagapak ang trust ratings ng Meyor habang si Cong. Bagatsing ay number one. Sa harap ng mga pangyayaring ito, ang tanong ay maka-iskor pa kaya si Erap sa mga taga-Maynila sa harap ng kaliwa’t kanan ang controversial issues na kinasasangkutan nya? Nandiyan ang pagtataas ng business tax at real property tax, yung clamping, towing, at issue ng Torre De Manila Condominium. Kaya tuloy, sinasabi ng ilang taga-Maynila na mukhang pareho lang siina Erap at ang pinalitan niyang si Alfredo Lim na naupong Meyor sa loob ng dalawang dekada mahigit.
Well, kung totoo man yan o hindi, tanging mga mamamayan ng Maynila ang siyang makakasagot. Hayaan natin ang mga kababayan natin sa lungsod ang siyang humatol.