“Baga na naging sunog”

KAPAG KISLAP PA LAMANG, sinlaki ng sigarilyong naiwan na may baga, patayin mo na ito. Baka umihip ang hangin at lumaki ito at maging isang ganap na sunog na lalamon sa iyo sa bandang huli.

“Wala akong naging partisipasyon. Humingi sila ng tulong tinulungan ko naman. Hindi nga ako umiimik sa kinauupuan ko,” ayon kay Angelita.

Taong 2012 nang may humingi ng tulong kay Angelita “Lita” Golfo kung may kakilala siyang nag-aayos ng mga dokumento ng lupa tulad ng paglilipat ng pangalan ng titulo.

Nagtatrabaho siya nun sa Civil Registrar ng Munisipyo ng Cavite.

Isang nagngangalang Bonifacia Manalo ang lumapit sa kanya. Ang kakilala niyang si Blandina Borja ang ipinakilala niya rito para sa mga dokumentong aayusin.

“Nakaupo lang ako dun. Silang dalawa lang ang nag-uusap kung ano ang mga kakailanganin papeles sa paglilipat. Hindi ako nagsasalita dahil hindi naman ako kasali sa usapan,” pahayag ni Lita.

Kalaunan nadiskubre ni Blandina na hindi naman pala nito pag-aari ang lupang gustong ilipat sa pangalan ng kanyang kliyente. Hindi niya ito naasikaso sapagkat hindi naman kompleto ang mga papeles.

“Paano mo maililipat sa kanilang pangalan hindi naman sila ang may-ari. Nagbayad na siya sa kasulatan ng isang libo kay Blandina nun,” salaysay ni Lita.

Nagsimula na raw magalit ang kabilang panig dahil hindi naayos ang paglilipat ng titulo. Ilang buwan ang nakalipas nakatanggap ng ‘subpoena’ si Lita na kinakasuhan siya ng ‘Estafa’ ni Rea Manalo na anak ni Bonifacia. Kasama sa mga inirereklamo nito ay si Blandina.

“Alam ko sa sarili ko na wala akong kasalanan. Hindi ako nakinabang ng pera kaya’t binalewala ko ang patawag,” wika ni Lita.

Ang kasamang inirereklamo na si Blandina ay nagbigay naman ng kanyang kontra-salaysay. Ayon sa kanya ang lupang pag-aari ni Regina de Zosa ang lupang inaangkin ni Bonifacia sapagkat inaakala raw nitong wala ng tagapagmana.

“Nung una kaming magkaharap tungkol sa inilalapit niya tungkol sa lupa ni Regina sinabi ko ng lumabis na ang nakuha niyang lupa na nakalagay sa pangalan ni Gaudencio Manalo,” ayon kay Blandina.

Ipinagtapat niya rin dito na buhay pa ang mga tagapagmana ni Regina at nailipat na ito sa pangalan ng mga tagapagmana na unang nailapit sa kanya.

Sila raw ni Lita ang niloko nitong si Bonifacia ginawa lang daw ito para siya’y abalahin dahil hindi niya sinunod ang kagustuhan nito.

Nang malaman ni Lita ang takbo ng kasong isinampa laban sa kanila ay nakitaan na ng ‘probable cause’ ng Imus, Cavite Prosecutor’s Office.

Kalaunan naglabas ng ‘warrant of arrest’ laban sa kanila at may kwarenta mil na piyansa.

“Nanghingi ako ng pera sa anak ko para pampiyansa. Nung una kinausap ko ang mas nakakataas sa akin sa trabaho at ipinagtapat ko ang reklamong kinakaharap ko. Ipinaliwanag kong wala akong kasalanan,” sabi ni Lita.

Pinayagan daw siyang pumasok sa trabaho sa munisipyo ng Cavite kahit na may ‘warrant of arrest’ siya. Nakipag-usap siya sa hepe at sa kanilang Mayor. Pinahintulutan pa siyang magtrabaho ng isang linggo saka siya ikinulong. Nang makalikom ng sapat na halaga nagbayad na siya ng piyansa pero ilang araw pang nanatili sa piitan.

Hindi pa rito natapos ang pagsasampa ng kaso sa kanya ni Rea. Nagreklamo pa ito sa Ombudsman ng ‘Dishonesty’.

Niloloko raw ni Lita ang munisipyo sa pagpirma sa mga ‘attendance sheet’ at sabihing siya’y pumasok kahit na nakakulong siya.

Kumuha din daw ng kopya ng ‘attendance sheet’ sina Rea bilang patunay sa kanilang mga reklamo.

Depensa ni Lita, pumirma siya nung mga araw na dapat nasa kulungan siya. Ang kanya raw paglabas ay temporary lamang at hindi ipinagbabawal ng batas. Pansamantala raw siyang pinapalabas para makapagtrabaho.

Matapos ang pagtimbang sa bawat panig naglabas ng desisyon ang Ombudman noong  Marso 11, 2014 at pirmado ni Graft Investigation & Prosecution Officer II Maricel Quilates.

Ang attendance sheet ang basehan ng magiging sweldo ng mga empleyado ng gobyerno. Sa ginawang pagpirma ni Lita hindi lamang daw ang panloloko sa oras ngunit maging sa pagkolekta ng sahod.

Hinahatulan ng ‘guilty’ ng Serious Dishonesty si Lita at pinaparusahan ng pagkakatanggal sa trabaho at pagkakansela ng kanyang mga benepisyo at pagdidiskwalipika sa kanya na makapagtrabaho sa kahit na anong sangay ng gobyerno.

“Bakit pati ang mga benepisyo ko na pinaghirapan ko ng halos dalawampung taon ay mawawala?” pahayag ni Lita.

Sa kasalukuyan umaapela siya sa naging desisyon habang ang kasong Estafa naman ay sa susunod na taon pa ang hearing.

Tanong niya hindi ba maaaring mapabilis ang pagdinig sa kanyang kaso upang mapatunayan niyang wala siyang kasalanan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, paulit-ulit naming sinasabi sa aming pitak na kapag may natanggap kang patawag malaki o maliit na reklamo hindi pwedeng balewalain ito. Sakit ng ulo yan.

Kung sakaling nakapagbigay si Lita ng kanyang kontra-salaysay nung simula pa lamang siguradong maiiba ang takbo ng kaso. Hindi niya nailahad ang kanyang panig sa taga-usig kaya naman tali ang kamay nito na ang pagbabatayan ay ang reklamo lang at ang salaysay na ibinigay ng ‘complainant’.

Malamang na makikitaan ito ng ‘probable cause’ at maisasampa sa husgado.

Ang tungkol naman sa desisyon ng Ombudsman kinakailangan niyang hintayin ang desisyon ng kanyang apila.

Tungkol naman sa kasong Estafa kung gusto niyang mapabilis ito kailangan niyang maghain siya sa korte ng ‘Motion for Speedy Trial’.

Sa dami ng malalaking kasong nakasampa sa Sandigan Bayan, hindi malayong magtatagal ang kanyang mga ‘motions’ na inihahain. Subalit bago magpatuloy ang isang kaso, kailang resolbahin ng hukom ang mga nakabinbin na motions’ at maglabas ng ‘ruling’ tungkol dito.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments