NAGPAHAYAG ng pangamba ang PNP sa dumaraming kaso ng “kidnap me” sa bansa. Sa taong ito, 11 sa 25 kaso ng kidnap-for-ransom ay hindi totoo, kundi mga panloloko lang para makakuha ng pera. Sa 11 kaso, ang apat ay pakana pa ng mga dayuhan – dalawang Koreano at dalawang taga-UK. Siguro dahil kilala ang bansa para sa pag-kidnap ng mga dayuhan, naisip ng mga ito na pagsamantalahan ang kanilang sariling pamilya, kamag-anak at kaibigan. Sayang lang ang oras at hirap ng PNP-Anti-Kidnapping Group sa mga panlolokong kaso na “kidnap me” na ito. Ibang klaseng tao rin ang magpapanggap na nadakip at hihingi ng pantubos mula sa pamilya at kaibigan.
Kailan lang ay may dumukot sa tatlong dayuhan at isang Pilipina sa Samal Island, Davao del Norte. Isang Norwegian, dalawang Canadian at isang Pilipina na kasama umano ng isa sa mga dayuhan. Mga turista sila sa Ocean View Resort nang madukot sila ng higit dalawampung armadong tao. Sinakay sila sa mga bangka. Ayon sa mga ulat, anim ang nadakip nila pero nakatalon ang isang Canadian at kanyang asawa mula sa bangka.
Pero hanggang ngayon, wala pang komunikasyon mula sa mga dumukot, at wala pang hinihinging ransom, kaya hindi pa matiyak ang tunay na pakay ng mga kidnapper. Patuloy naman ang paghahanap sa kanilang kuta, pero nag-iingat din at hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga nadakip. Walang may gustong maulit ang nangyari sa asawa ni Marcia Burnham na si Martin, na napatay habang may operasyon ang militar laban sa Abu Sayyaf na bumihag sa kanila.
Hanggang ngayon, problema pa rin ang ganitong klaseng krimen sa Pilipinas, partikular sa Mindanao. Hanggang ngayon ay hindi pa masugpo ng gobyerno ang mga grupong sangkot sa kidnapping. Bagama’t nabawasan na raw ng halos kalahati ang bilang ng kidnapping sa bansa kumpara noong taong 2014, meron pa rin. At hindi pa tapos ang taon, palapit pa ang eleksyon. Umaasa ang PNP na hindi na tataas ang bilang. Pero kung mga turista na naman ang target ng mga kriminal, problema na naman ito para sa bansa.