EDITORYAL – Maraming nagkaka-dengue

SA report ng Department of Health-Epidemiology Bureau, mayroon nang 92,807 kasong dengue sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 19, 2015. Mas mataas ito kumpara sa mga nagka-dengue noong nakaraang taon sa kaparehong buwan na 75,117 kaso. Ngayong taon, 269 katao na ang namatay sa dengue. Mababa naman ito kumpara noong nakaraang taon na 316 katao ang namatay­. Pinakamataas ang nagka-dengue sa Central Luzon­ na may 14,127 kaso; Calavarzon, 14,082; National­ Capital Region, 10, 385; Ilocos Region, 8,136; Northern­ Mindanao, 6,451; Cagayan Valley­, 5,677 at Soccsksar­gen, 5,552.

Nakaaalarma na ang pagdami ng kaso ng dengue na ang karamihan sa mga biktima ay bata. Sabi ng DOH, isa sa mga dahilan kaya dumami ang mga nagka-dengue ay dahil sa hindi maayos na pag-iipon ng tubig ng mamamayan sa mga lugar na apektado ng El Niño. Dahil nagbawas ng alokasyon ang water companies upang hindi agad maubos ang nasa reser­voir, pinayuhan ang mga tao na mag-imbak. Hindi maayos ang pag-iimbak ng tubig sa mga dram kaya pinangingitlugan ng mga lamok na may dengue. Payo ng DOH, takpang mabuti ang mga dram at container para hindi makapasok ang mga lamok. Ang lamok na Aedes Aegypti ang nagdadala ng dengue.

Sabi ng DOH, kapag nagkaroon ng mga sintomas na kinabibilangan ng mataas na lagnat, pagkakaroon ng pantal sa balat, pananakit ng ulo at kasu-kasuan, dalhin agad sa doctor. Hindi dapat ipagwalambahala ang mga sintomas ng dengue. Marami nang namatay dahil sa pagwawalambahala sa sakit na ito.

Sa aming palagay, hindi lang ang maling pag-iimbak ng tubig ang dahilan kaya dumami ang dengue. Ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura ay isa rin sa mga dahilan. May mga taong tapon lang nang tapon ng basura sa mga estero at kanal. Kapag naipon ang basura sa estero, hindi na aagos ang tubig at dito maninirahan ang mga lamok. Paborito ring tirahan ng mga lamok ang madidilim na lugar. Alisin ang mga nakasampay na damit, linisin ang mga halaman na maraming sanga at dahon at itapon na ang mga kasangkapan (lumang aparador, mesa, cabinet) na nakatambak lang sa bodega. Ang mga ito ay paboritong tirahan ng mga lamok na may dengue.

Kalinisan ang panlaban sa mga “killer lamok”.

Show comments