Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
PAGISING MO SA UMAGA andun na yung takot at inihahanda mo na ang iyong katawan sa pananakit ng ibang tao. Sa sobrang hirap pa nga, kadalasan gusto mong bumalik sa pagtulog dahil dun hindi ka naghihirap at kung minsan nanaginip ng magagandang bagay.
“Yung pinsan ko hinang-hina na doon. Halos mawalan na siya ng malay. Ang sabi niya sa ‘min baka hindi na siya makatagal,” ayon kay Darrel.
Kasalukuyang nagtatrabaho sa Dammam ang pinsan ni Darrel del Rosario na si Nancy Aclo.
Unang beses daw nitong subukang magtrabaho sa ibang bansa. Ang ahensiyang JVR Placement Co. Inc., ang nilapitan nito para makahanap ng employer bilang Household Service Worker (HSW).
“Nung makompleto ang lahat ng kailangan nakaalis na siya ng Pilipinas noong Oktubre 16, 2014. Kwarenta’y dos na si Nancy,” sabi ni Darrel.
Tulad ng iba nating kababayan na nakikipagsapalaran sa ibang bansa kahirapan ang nagtulak sa kanila para umalis. Kung papasok daw kasi ng kasambahay dito sa Pilipinas halos apat na libong piso lamang ang nakukuha nilang sahod bawat buwan.
Isa pa sa inaalala ni Nancy may anim na taong gulang pa silang anak na malaki-laki pa ang kailangang gugulin para sa pag-aaral.
“Taga Davao talaga sila. May nakilala silang recruiter na ang pangalan ay Adrian. Dun siya inalok na mag-apply,” salaysay ni Darrel.
Tinawagan daw siya nito at pinapunta ng Las Piñas kung nasaan ang ahensiya. Ang lahat ng gastos ay sinagot naman ng mga ito.
Pati ang tutuluyan ay sila rin ang bahala. Ilang araw din daw itong nanatili sa ahensiya bago pa nakaalis ng bansa.
“Tumawag siya at sinabi niyang hirap na hirap siya sa trabaho dun. Minsan ikinukulong siya sa napakainit na kwarto,” pahayag ni Darrel.
May panahon pa raw na pinaglilinis ito ng banyo at sinasarhan ng pinto. Hindi raw matagalan ni Nancy ang sitwasyon sapagkat pinapagamit pa siya ng muriatic acid na sobrang tapang ng amoy.
“Maliban pa dun hindi rin siya gaanong pinapakain at sinasaktan pa ng amo. Makatao ba naman ang ginagawa nila sa pinsan ko?” wika ni Darrel.
Wala rin daw natatanggap na sahod si Nancy mula nang dumating siya sa Dammam. Wala rin siyang gaanong pahinga kaya naman ramdam na niyang nanghihina na ang kanyang katawan.
Nagkakasakit na ito dun pero kailangan pa rin niyang kumilos para hindi masaktan at mapagalitan ng amo.
“Ang employer ay si Abdulrhaman Bareet Moubarak Alshamri. Sa Al Jouf Province sila nakatira,” kwento ni Darrel.
Hiningi namin ang buong address ng kinaroroonan ni Nancy ngunit hindi nito maibigay ang numero ng bahay. Hindi raw kasi siya pinapayagang makalabas kaya’t wala siyang alam tungkol dito.
Ang katapat na bahay ang ibinigay niya at saktong lokasyon kung nasaan sila.
“Tulungan niyo po siya. Sabi niya gusto na niyang umuwi habang buhay pa siya. Sa sobrang hirap ng pinagdadaanan niya baka run pa raw siya mamatay,” salaysay ni Darrel.
Upang malaman ang kalagayan ni Nancy dun sa Dammam agad kaming nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs kay Usec. Rafael Seguis. Lahat ng detalyeng ibinigay sa amin ni Darrel ay ipinarating namin sa kanya.
Tinawagan niya naman kaagad ang ating Consul General na si Redentor Genotiva. Nangako silang pupuntahan sa amo si Nancy upang makumusta.
Nagbigay naman ng ulat sa amin ang Consul General ng Riyadh na si Ezzedin Tago. Ayon sa kanya nailapit na nila ito sa POLO Eastern na nakatoka sa Dammam.
Ang address lang ni Nancy ay nasa Sakaka na 1,200 North ng Riyadh at malapit na sa Jordan. Ibinalik sa POLO Riyadh ang reklamo. May ipinadala na raw silang ‘welfare officer’ sa kinaroroonan ni Nancy. Nangako sila na agad nilang ipapaalam ang developments sa kasong ito.
Isang tawag naman ang natanggap namin kay Nancy. Ayon sa kanya dinala raw siya sa ospital ng kanyang amo at halos anim na oras siyang naka-confine.
“Sa sobrang gutom ko ang tiyan ko marami na raw bukol sabi ng doktor dun. Anim na buwan na rin akong dinudugo kaya may problema na rin daw ako sa matres,” salaysay ni Nancy.
Humihingi siya ng tulong na makaalis sa amo dahil narinig niyang balak siyang dalhin sa Al Qasim. Ibinalita niya pa sa amin na muntik na rin siyang magahasa doon ng amo mabuti na lamang at hindi ito natuloy.
“Madalas din akong saktan ng amo kong babae. Hinihila niya ang braso ko kahit sa maliit na pagkakamali lang. Hanggang ngayon masakit pa ang katawan ko,” ayon kay Nancy.
Isang linggo na raw silang walang bigas dahil katwiran ng amo wala na raw pera sapagkat ibinayad ng sasakyan.
Tinawagan si Nancy ng ‘welfare officer’ at sinabing nakikipag-coordinate lamang sila sa mga pulis sa lugar para siya’y makuha.
Ilang oras ang nakalipas tinawagan kami ni Darrel at sinabing narescue na si Nancy at nasa pangangalaga na ng Embahada.
“Pwede ba naming ireklamo ang ahensiya niya dahil wala silang ginawa para matulungan ang pinsan ko? Nagpapasalamat kami sa inyo dahil napanatag ang aming kalooban na ligtas na si Nancy,” pahayag ni Darrel.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ngayong nasa Embahada na si Nancy mapapangalagaan na ito dun. Kakausapin ang kanyang employer para sa sahod na hindi niya nakuha at para hingin na rin ang ‘exit visa’ nito upang makauwi ng bansa.
Ang tungkol naman sa tanong ni Darrel pwede silang magpunta sa Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) kay Administrator Hans Leo Cacdac para i-report ang naging kapabayaan ng ahensiya.
Ang POEA na ang bahalang tumimbang kung gaano kabigat ang ipapataw na parusa sa kanila. Maaaring maglabas ng Order of Preventive Suspension (OPS) laban sa agency o patawan sila ng ‘fine o penalty’ dahil sa insidenteng ito.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.