MARAMI ang humihiyaw sa ere na sibakin na sa partido Liberal sina MMDA chairman Francis Tolentino at Rep. Benjie Agarao dahil sa malaswang paggamit ng mga bebot sa isyung ‘dirty dancing’ matapos itong mapanood ng madlang people na ‘live’ sa birthday party at sa gagawing oath-taking ng mga bagong kasapi ng Liberal party ni LP presidential standard bearer Mar Roxas dyan sa lugar ni Agarao sa Laguna.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, tiyak makakalimutan lamang ang isyung ibinabato kina Tolentino at Agarao dahil tatakpan ito ng ibang kalaswaan este mali balita pala. Hehehe!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang nangyaring ‘dirty dancing’ na napanood na halos lahat ng madlang people sa lugar ni Agarao at naipalabas sa mga television ay isang malaking kabalbalan at pagyurak sa karapatan ng mga kababaihan.
‘Hindi lang mga matatanda ang nandoon sa pinagdausan ng kalibugan este mali palabas pala may mga bata rin nandoon ng mga oras na iyon.’ sabi ng kuwagong natulala.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, may mga naka-suot na yellow t-shirt ang humiga pa sa may paanan ng mga bebot na sumasayaw sa itaas ng stage na parang gigil na gigil.
Tanong - ano ngayon ang mabuti para matigil na ang usaping tungkol dito?
Sagot - patawan ng parusa ang may pakana ng kalaswaan o tanggalin sa partido ang mga ito dahil nagbigay ng kahihiyan sa kanilang organisasyon.
‘Ok lang sana ang ganitong gimik kung sila-sila lamang ang nanonood o kaya close door ito pero ang problema ay open ito sa madlang public.’ sabi ng kuwagong bogli.
Abangan.
LTO new plate numbers pinepeke na
IBINULONG ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na may mga pekeng kumakalat na mga bagong palaka este mali plaka ng mga sasakyan sa ngayon pero hindi ito binibigyan pansin ng Land Transportation Office.
Bakit kaya?
Sagot - ewan!
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, isang ex-official sa LTO ang nagbida na nakita niya mismo ang pekeng bagong plaka ng sasakyan ng ito ay dalhin mismo sa kanya.
Sabi ng ex - LTO officials sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa isang lugar sa Tayuman daw ito ginagawa pero hindi sinabi sa kanya kung saan at sino ang mga birador ng fake plate numbers.
Abangan.
LTO chief magbitiw ka na
SINABI ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, dapat na sigurong sumabay o unahan na ni LTO chief Alfonso Tan ang pagbibitiw sa puesto bago pa siya maunahan ng dalawang politikong isinisigaw na umalis sa kanilang partido dahil sa isyu ng ‘dirty dancing.’
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang kapalpakan ni Tan sa LTO ay ikinaiinis halos araw-araw ng madlang people na kumukuha sa lisensiya sa pagmamaneho dahil up to now ay wala pa rin maibigay na plastic license card ang mga ito kahit bayad na ang kanilang license.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, may isang driver ang nagpa-renew ng driver’s license sa LTO noon pang Pebrero pero up to now Oktubre na ay wala pa rin ang plastic card kaya naman buwisit na buwisit ito sa gobiernong palpak.
‘Tuloy marami ang nagagalit sa gobierno kaya pati si P. Noy na wala naman kinalaman sa isyu ay nasasama sa buwisit ng madlang people.’ sabi ng kuwagong high blood.
‘Ano ngayon ang mainam sa LTO?’ tanong ng kuwagong haliparot.
Sagot - umalis ka na dyan Tan!
Abangan.