MARIING tumatanggi si President Noynoy Aquino sa pagbaba ng personal income tax rates. Ito’y bagamat, sa 32% ng kita ng indibidwal, isa ‘yun sa pinaka-mataas sa buong Asya.
Mag-aapat na dekada na ang tax rate na ‘yun, kaya hindi na rin akma sa kasalukuyan. Ipinapataw ang 32% sa kumikita ng P500,000-pataas kada taon (kasama ang 13th-month pay). Malaking halaga ang P500,000 noong dekada-’70, kung kelan ang minimum wage ay P8 kada araw, o P192 kada buwan, o P2,500 kada taon. Marami nang mabibili sa halagang ‘yon, kabilang ang isang bagong kotse.
Pero kinain ng inflation ang halaga ng piso. Ngayon ang P500,000 kada taon, o P38,460 kada buwan, ay starting salary pa lang sa call center o telecoms company. Kaya dapat ibaba ang tax rate. Ipinangako ito ng Kongreso, nu’ng ipapataw pa lang nu’ng dekada-’90 ang 10% tapos 12% value-added tax (VAT). Ipapareho raw ang tax rate sa 20-26% sa mauunlad na kapit-bansang Singapore o Malaysia. Pero hindi natupad.
Ayaw ni P-Noy magbaba ng tax rate dahil mababawasan daw ng P29 bilyon ang taunang koleksiyon ng BIR. Kapag nangyari daw ‘yun, bababa rin ang credit rating ng Pilipinas. Hindi raw makakautang ang bansa mula sa international financial institutions. Kakapusin umano ang pangtustos sa taunang national budget. Hindi na raw sasapat ang pondo para sa mga programang pambawas-kahirapan.
Walang basehan ang mga salita ni P-Noy. Hindi komo bababa ang tax collection ay ibig sabihi’y bababa rin ang credit rating ng bansa. At miski na bumaba nga ang credit rating, e ano ngayon? Bakit ba over-ganado si P-Noy umutang ng pam-budget, gay’ung hindi naman kaya ng kanyang admin gastahin ang mga nilalaang pondo taon-taon.
Hindi sa mahihirap napupunta ang national budget, kundi sa malalaki, malalakas, at mayayaman, ipinakita ni Rep. Neri Colmenares.