EDITORYAL - Double-deck buses delikado sa EDSA

NOONG 1980s, bumiyahe sa EDSA ang mga Leyland Atlantean double-deck buses ng Metro Manila Transit Corporation (MMTC) na may kapasidad na 100 pasahero (62 ang nasa upper deck). Namutiktik sa pasahero ang mga double-deck buses lalo na kung rush-hour. Maayos na nakapagbiyahe sa kahabaan ng EDSA, Ayala at Buendia. Hanggang sa unti-unting mawala sa EDSA ang mga double-deck buses sa pagpasok ng dekada 90. Nang mawala ang mga double-deck buses, napalitan naman ang mga iyon nang napakaraming bus sa EDSA. Nagkaroon din ng MRT, flyover, footbridge at kung anu-ano pang pagbabago sa nasabing highway. Hanggang sa magkaroon na nang grabeng trapik kung saan ang biyahe ng bus mula Monumento patungong Ayala ay inaabot nang mahigit dalawang oras. Matindi ang trapik sa Cubao (south bound) kung saan sa gitna nagbababa at nagsasakay ang mga bus. Matindi ang trapik sa Ortigas, Mandaluyong at Guadalupe, Makati.

Dahil sa tindi ng trapik, kung anu-anong paraan na ang sinubukan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pero wala ring epekto at lalo pang lumubha ang trapik. Hanggang sa pati ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) ay pinagmando na ng trapik sa EDSA. Nagkaroon naman ng pagbabago dahil puwersahang pagpapaalis sa mga illegal vendor sa Balintawak at Cubao. Inalis din ang mga U-Turn slot. Bahagyang lumuwag sa EDSA pero hindi pa sapat.

Ang bagong naiisipan ng MMDA at HPG ay ibalik ang double-deck buses sa EDSA para lumuwag daw ang trapik. Ito raw ang maaaring solusyon. Sabi ng MMDA “space savers” daw ang double-deck buses.

Maling paraan ito. Hindi na uubra ang double-deck sa EDSA sapagkat marami nang sagabal. Delikadong sumabit sa footbridge ang mga double-deck bus. Kung gigibain ang mga footbridge, sayang ang pera ng taumbayan.

Ituloy na lang ng HPG ang pagtataboy sa vendors at paghuli sa mga walang disiplinang drayber. Epektibo pa ito. Huwag nang ibalik sa EDSA ang double-deck buses.

Show comments