KAPANSIN-PANSIN na hindi pa nga nagdedeklara si Davao Mayor Rodrigo Duterte na tatakbo sa pagka-presidente sa 2016 elections eh nilalapitan na siya ng mga nagnanais maging running mate niya.
Eh kung ang ibang kandidato diyan na gustong maging presidente ay naghihirap sa paghanap ng ka-tandem, ito namang si Duterte ang nilalapitan.
Dumating dito sa Davao noong Martes si Sen. Alan Peter Cayetano bitbit ang kanyang pamilya at nagdeklara na tatakbo siyang vice president.
Nakipagkita si Cayetano kay Duterte sa isang hapunan sa isang native chicken restaurant dito.
Ayon kay Cayetano, para na rin daw silang namanhikan kay Duterte dahil nga dala niya ang asawang si Taguig Mayor Laarni Cayetano at mga kapatid niya na si Senador Pia at si Ren sa nasabing hapunan na ang panghimagas ay durian, pomelo at lanzones.
Sumunod na gabi naman ay dumating si Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na di umano’y humingi nga ng advice kay Duterte ukol sa political plans nito.
Nangako naman si Duterte na suportahan niya sina Cayetano at Marcos anuman ang kanilang tatahaking landas sa politika.
Inaasahang marami pang ibang gustong kumandidatong senador diyan na lalapit kay Duterte sa mga susunod na araw.
Ngunit 12 araw na lang at wala na talagang kawala si Duterte. Malalaman na talaga kung tatakbo ba siyang presidente o hindi.