ILANG taon ding nagsama sina Pablo at Rosa sa kanilang bawal na pag-ibig. Parang kuntento na rin sila sa klase ng kanilang buhay. Hindi nila gusto na matali sa kasal sapagkat parang ganoon na rin ang relasyon nila kahit na hindi sila lumakad patungo sa altar. Para sa kanilang dalawa, sapat nang sabihin na “mahal” nila ang isa’t isa. Pero ang ganitong maluwag nilang relasyon ang lumalabas na sa bandang huli ay pagsisisihan din nila.
Dahil nga hindi nakatali sa kasal at walang malinaw na “commitment”, nagpatuloy si Pablo sa pagiging babaero, palipat-lipat lang siya sa kandungan ng iba’t ibang babae. Nakilala niya ngayon si Nila na sapat ang angking ganda para pansamantala niyang makalimutan si Rosa. Dahil sa kanilang pagkikita ay nabago ang pagtingin ni Pablo sa kasalan. Bago pa niya nalaman ay inaalok na niya si Nila ng kasal at ang babae naman, pakipot pa noong una pero agad din na pumayag sa alok ng binata. Kaya hayun, nagpakasal sina Pablo at Nila. Sa maikling panahon ng kanilang pagsasama ay naisip ni Pablo na hindi maganda para sa kanilang mag-asawa na manatili sa Maynila at baka maamoy pa ni Rosa ang nangyari at manggulo pa sa kanila ng kanyang bagong misis. Kaya’t lumipat ang bagong kasal sa probinsiya at nagdesisyon na doon na lang tumira. Hindi pa nagtatagal sa piling ng misis ay nabagot na naman si Pablo. Hindi talaga bagay sa kanya ang magpakasal at ang buhay may-asawa. Hinahanap niya ang dating karelasyon at matindi ang naging pangungulila niya kay Rosa. Isang buwan matapos nilang magpakasal ay nagpaalam kay Nila si Pablo upang pumunta sa May nila. Ang palusot ng lalaki ay aayusin lang niya ang ilang bagay at babalik din matapos ang isang linggo. Dumaan ang isang linggo pero wala kahit anino ni Pablo na nagbalik sa kanyang misis. Kaya ang ginawa ni Nila ay sinundan si Pablo sa Maynila. Natagpuan niya ang lalaki na nakatira sa iisang bubong kasama ni Rosa na dati nitong karelasyon. Nakababad pa ang lalaki sa tindahan at sinasamahan ang kanyang kabit. Nang komprontahin ni Nila ang mister ay inamin nito na kalaguyo niya si Rosa at hindi niya maiiwanan ang babae. Bahala na raw si Nila sa kung ano ang gusto niyang mangyari.
Kaya kinasuhan ni Nila si Pablo at ang kabit nitong si Rosa ng concubinage. Ayon kay Pablo ay inosente siya at walang kasalanan dahil hindi naman niya ibinahay si Rosa sa tahanan nila ng asawa o sa ibang lugar sa ilalim ng iskandalosong sirkumstansiya. Tama ba si Pablo?
MALI. May tatlong paraan para magawa ang concubi-nage: Una, kung ibabahay ng la laking may-asawa ang kanyang kabit sa tahanan nila ng kanyang misis, o pangalawa, kung ibabahay niya ang kabit sa ilalim ng iskandalosong sirkumstansiya at pangatlo, ay kung makisama siya sa ibang babae na hindi niya misis. Sa ginawa ni Pablo na pag-abandona sa kanyang asawa at pagsama sa kanyang kabit, malinaw ang ebidensiya na nakisama siya sa ibang babae na hindi naman niya asawa at nagkasala siya ng “concubinage” (Pp. vs. Pitoc and Del Basco, 43 SCRA 756).