‘Laglag-bala sa NAIA’
NAKABABAHALA ang modus na ngayon palang pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan, ang ‘Laglag-bala.’
Insidente na pumutok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang linggo na naging viral sa social media. Nahulihan ng dalawang bala ng caliber .22 ang biktimang 20-anyos na anak ng isang kanong misyonaryo, si Michael White dahilan para harangin at idinitine siya sa paliparan.
Inisyal na ipinahayag ng Palasyo, isolated case lang ang pangyayaring ito. Pero, kahapon kumambyo ang Malacañang, papatawan daw nila ng parusa ang sinumang empleyado ng NAIA na mapapatunayang sangkot sa hokus-pokus na ito.
Ang mga ‘trapong’ gutom naman sa media exposure sumakay agad sa isyu. Si Sen. Ralph Recto, magpapasa raw ng resolusyon, habambuhay na kulong sa mga nagpa-planta ng bala ng baril at magsasagawa rin daw siya ng imbestigasyon sa Senado.
Humahabol naman at gusto ring maging laman ng balita si Cong. Sherwin Gatchalian. Magpapasa rin daw siya ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang nangyari sa NAIA.
Kung sa mga mauunlad na bansa na mataas ang pamantayan sa mga paliparan, hindi na aabot sa ganitong eksena at magiging malaking isyu pa ang nangyaring insidente. Kabaliktaran ito sa Pilipinas.
Dapat mayroon talagang mga closed-circuit television (CCTV) camera na naka-install sa bawat sulok ng mga paliparan sa bansa.
Maliban dito, may agresibong media campaign ang Department of Transportation and Communication (DOTC) sa mga bawal o dapat at hindi dapat gawin ng mga pupunta sa paliparan upang hindi masalisihan ng mga mapagsamantala at utak-kriminal ang mga bIyahero.
Hindi ‘yung kung kailan nalalagay na sa kontrobersiya, saka pa lang sila magsasalita at kikilos sa harap ng mikropono at kamera. Tsk...tsk!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest