NAKAKADISMAYA na ang mga nangyayaring katiwalian sa Ninoy Aquino International Airport na kinasasangkutan ng mga airport personnel.
Ang tinutukoy ko ay batid na ng marami dahil laman ng mga balita. Ito ang pag-set up ng ilang security personnel ng NAIA sa mga papaalis na biyahero sa pamamagitan ng pagtatanim ng bala sa kanilang mga bagahe.
Sa takot ma-delay ang flight ng isang biniktimang pasahero, mapipilitan siyang maglagay sa mga tiwaling personnel ng NAIA. Kay sagwang sistema! Hindi ko alam kung pati mga dayuhan ay binibiktima ng mga kumag na ito. Kung magkagayo’y kay laking kahihiyan nito sa international community. Nagmumukhang timawa ang lahat ng Pilipino at hindi mapagkakatiwalaan.
Kung illegal ang magbitbit ng bala ng baril sa mga biyahero, dapat malaman ng mga ungas na ito na lalung malaking krimen ang ginagawa nilang pagtatanim ng bala sa mga inosenteng tao. May parusang habambuhay na pagkakulong ayon sa ating batas.
Kaya ang paalaala ni Senator Ralph Recto, “kwidaw kayo!” Aniya, sa ilalim ng 2013 Firearms Law, isang bala lamang ang itanim ng isang opisyal para makapangikil ay tiyak na hindi na sisikatan ng araw ang mahuhuli dahil sa tagal sa bilangguan.
Naku, 2013 lang pala nabuo ang batas, baka hindi alam ng marami iyan. Personal ko’ng kilala si NAIA General Ma-nager Bodet Honrado sapul pa nang siya’y close-in security ni Presidente Corazon Aquino. Mabuting tao iyan at alam kong hindi kukunsintihin ang ganyang katiwalian.
In fairness, hindi na natin mabilang yung mga maliliit na tauhan ng paliparan na nakakapulot ng naiwanang mala-laking halaga pero ibinabalik sa mga may-ari. Proud akong maging Pilipino kapag nababalitaan ko ito. Kaya kapag nabalitaan naman natin ang mga haragan na nangingikil sa paliparan ay pihong kukulo ang ating dugo dahil yung mabuting ginawa ng iba sa kanila ay winawasak.
Sana’y umaksyon kaagad si GM Honrado laban sa mga hangal na ito na nagbibigay batik hindi lamang sa mga tauhan ng NAIA kundi sa lahat ng Pilipino.