MABILIS ang email message ng Public Relation Officer ng MIAA, na ipinadala sa mga NAIA reporters the other day para hindi sila mabugbog sa sinasabing set - up diumanong nangyari sa isang Kanong missionary dahil mabilis silang nag-hudas este mali hugas pala agad nang kamay na diumano ginawa ng dalawang miembro ng Office for Transportation Security (OTS) personnel na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 4 (NAIA-T4).
Sabi nga, planting of evidence?
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, nakulong ang isang Lane Michael White, 20, US of A missionary from Florida, matapos itong maghimas ng rehas ng 5 1/2 days sa Pasay City Jail, matapos sampahan ng kasong illegal possession of live ammunition. P80,000 ang recommended bail nito pero ibinaba ng Huwes sa P40,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, humihiyaw si White dahil biktima diumano ito ng ‘laglag bala’ sa paliparan?
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Ano ito?
Sa kuento ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sinabi diumano ni White na hinihingian daw ito ng dalawang OTS ng P30,000 para hindi na ito magka-problema sa airport at makasakay ng eroplano papuntang Palawan kahit may nakita sa x-ray machine na bala sa kanyang baggage.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ng dumaan sa x-ray machine sa T4 departure initial screening area ang kanyang bagahe ay may nakita diumanong bala ng kalibre 22 sa dalahin niya habang kinakapkapan ito ng isa sa dalawang OTS.
Naku ha!
Ano ba ito?
‘Sigaw ni White, planting rice este mali planted diumano ito?’
Ika nga, imbestigahan mabuti ang usaping ito huwag agad maghugas kamay ang mga bright people sa MIAA. Hehehe!
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, duma- ting sa Philippines my Philippines si White, erpat nitong Kano na isang pastor at ermat nitong Pinay. Papunta silang Palawan para tumingin ng lupa sa itatayo nilang sambahan doon.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, naghugas kamay ang MIAA kesyo ang OTS ay hindi nila tauhan kundi under ng DOTC pero kahit na ang MIAA ay under din naman ng DOTC at ang OTS ay nasa airport na ang nagma-manage ng mga problema sa loob nito ay ang MIAA.
‘Kamote, ano ba iyan?’
Abangan.
Bumaba sa Barangay level
Hindi na bago o lumang tugtugin na ang usapin ng illegal drugs sa ilang bahay - bahayan dyan sa West Crame, San Juan City, dahil noon pa man ay talamak na ang mga gumagamit at pushers ng droga dito kahit nasa likod lamang ito ng Camp Crame.
Bakit?
Sagot - may patong!
Kaya naman hindi biro ang dupang sa West Crame.
Sinabi ng asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, noon pang panahon ni General Bienvenido Felix, pinuno ng binuwag na Constabulary Anti - Narcotics Unit (CANU) ay matindi na rin dito ang bentahan ng droga at marijuana pero bihira ito kung salakayin ng mga authorities noon kaya naman ngayon marami ang nabigla ng tirahin ng PNP- AIDSOFT ang lugar.
Ika nga, nabato ang mga pushers at adik!
Nagtataka ang mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kung bakit tumagal ang tulakan at tsongkian ng droga sa nasabing place kaya tuloy nagmistulang sakit na ‘cancer’ na ito at napakahirap gamutin.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kalat ang droga sa West Crame, maraming klaseng illegal drugs na mabibili rito at magagamit, ‘floor wax’ lang ang hindi tinitira ng mga adik dito at parokyano nila. Hehehe!
‘Noon kasi sa mga bigtime pusher, users at druglords nakatuon ang pansin ng mga autoridad kaya naman napabayaan ang baba o barangay level dahil sinasabing mga pipitsugin o small time ang mga kamoteng gumagamit ng droga dito.’ sabi ng kuwagong haliparot.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ganoon din ang suma ng dami ng droga kapag pinagsama-sama.
Kapag kinolo ang mahuhuling mga droga sa barangay level baka mas malala pa ito kaysa sa mga bigtime.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, walang lulusot sa barangay oras na magbigay sila nang impormasyon sa matitinong pulis.
Bakit?
Sagot - kakilala ng barangay ang mga gumagamit ng droga sa kanilang lugar.
‘Ano ang mabuting gawin para magkatulungan sa isang komunidad para maiwasan ang paggamit ng illegal drugs?’ Tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Sagot - noong mga nakaraan panahon may ‘kill the pushers,’ kaya naman marami ang nagtagong pushers sa kanilang mga lungga sa takot na makausap nila ng maaga si Kamatayan.
‘Puede pa bang ipagpatuloy ito ngayon?’ Tanong ng kuwagong ginigiyang.
Sagot - naku hindi na puede ang ‘death penalty’ ngayon marami ang magagalit na taga - CHK este mali CHR pala.
Abangan.