KAILANGAN na bang ipatupad ang pagbawal ng riding-in-tandem sa Quezon City at sa iba pang siyudad sa Metro Manila, tulad ng ipinatutupad ngayon sa Mandaluyong? Nakuha sa CCTV ang panghoholdap sa mga kustomer ng isang restaurant sa Timog Ave. noong Martes ng gabi. Kapapasok pa lang ng mga kustomer at namimili pa ng oorderin nang pumasok ang lalaking naka-helmet na nanutok ng baril sa kanila. Agad hinablot ang bag at umalis, sakay ang motorsiklong minamaneho ng kasama na naghihintay sa kanya sa labas. Kita sa CCTV na ilang beses pabalik-balik ang motorsiklo sa labas ng restaurant, at tila alam nila kung sino ang bibiktimahin. Naglabas umano nang malaking halaga ng pera ang mga biktima mula sa banko, kaya sinundan ng mga kawatan. Ano ang matutunan natin dito?
Una, kung may CCTV camera nga na nakatutok sa paligid, hindi ba mas maganda kung may taong nagbabantay na rin sa nakukunan ng CCTV? Katulad niyan, kung napansin ang motorsiklo na ilang beses nang pabalik-balik, sana nabigyan ng babala na ang mga pumaradang kustomer, o kaya ay tumawag na ng pulis. May CCTV nga, naka-helmet naman ang mga kriminal at walang plaka ang motor, ano ang tulong ng CCTV?
Pangalawa, kung maglalabas nang malaking halagang pera, huwag nang magtungo kung saan-saan pa at dalhin na sa ligtas na lugar, lalo kung gabi na. Pangatlo, mamili ng lugar na may guwardiya, para kahit papano may hadlang sa mga magnanakaw. Ayon sa kainan, tatlong beses na raw nabibiktima ng mga holdaper ang mga kustomer nila. Eh bakit wala pa ring guwardiya kung ganun na nga ang nangyari?
At dapat nang patuparin ang “no riding-in-tandem” sa Quezon City. Tila walang tigil na ang krimen sa siyudad. Kailan lang ay muntik nang mabiktima ang DZMM anchor na si David Oro sa harap mismo ng kanilang bahay. Riding-in-tandem din ang mga kawatan. Mabuti at may sumaklolo sa kanila nang marinig ang sigaw ng kanyang pamilya. Tatlong taon patutuparin ng Mandaluyong ang “no riding-in-tandem”. Dapat gawin nang batas, dahil iba na talaga ang panahon ngayon. Tanging ang motorsiklo lang ang makakatakas mula sa pinangyarihan ng krimen sa tindi ng trapik ngayon kaya paborito ng mga magnanakaw. Kaya dapat pahirapan naman ang mga magnanakaw at mamamatay-tao na iyan. Dapat ikalat na rin ang mga pulis sa paligid ng mga establisimento kung dito na nambibiktima ang mga kriminal. Palapit na ang Pasko, kaya aktibo na rin ang mga kawatan.