MABAIT na kaibigan si President Noynoy Aquino. Marami na ang nagpatunay na matapat siyang kaibigan at handa niyang ipaglaban ang kanyang kaibigan. Napatunayan ang pagiging matapat na pagkakaibigan nila ni dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima. Nagsimula ang pagkakaibigan nila ni Purisima noon ang heneral ay isa pa lamang karaniwang miyembro ng Presidential Security Group (PSG). Nanganib ang kanyang buhay sa isang kudeta at si Purisima ay isa sa mga tapat na umalalay. Marami pang pagkakataon na nasubukan ang kanilang pagkakaibigan. Kaya kahit na nadawit si Purisima sa mga alingasngas at kontrobersiya, tahimik lang dito ang Presidente. Maski pa sa usapin ng SAF 44 na minasaker sa Mamasapano noong Enero 25, 2015 kung saan si Purisima ang isa sa nagplano, walang masamang masabi ang Presidente sa kanyang kaibigan. Tapat at mabuti siyang kaibigan at ganundin naman marahil si Purisima.
Pero hindi lahat nang itinuring at inangking kaibigan ng Presidente ay nagiging matapat din naman sa kanya. Mayroong “naliligaw ng daan” at ang matindi pa, ginagamit pa ang pangalan ng presidente para makahingi ng pabor. At ito ang ayaw ng Presidente. Sabi nga niya sa isang interbyu ng ANC, kung ang kaibigan daw niya ay gagamitin ang kanyang pangalan para sa pansariling interes o pakay, hindi niya ito kaibigan at hindi kailanman sila magiging magkaibigan. Kapag daw ang interes ng kanyang kaibigan ay salungat at lumilihis sa nais nilang plano, hindi raw sila magkaibigan. Hindi raw niya kukunsintihin o papayagan ang sinuman sa kanyang mga kaibigan na lumabag sa batas.
Inakusahan ng Bureau of Customs (BOC) si da-ting Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres na inaarbor ang P100 million na halaga ng smuggled na asukal mula Thailand na nakumpiska ng Customs. Nagtungo si Torres sa Customs at binanggit ang pangalan ni P-Noy para i-release ang kargamento. Nakunan pa ng CCTV ang pagtungo ni Torres sa tanggapan. Pero hindi pinagbigyan si Torres. Itinanggi naman ni Torres ang akusasyon.
Anong klaseng kaibigan si Torres na garapalang ginamit ang pangalan ng Presidente? Marahil, nagsisisi ang Presidente kung bakit naibilang ito sa grupo ng kanyang mga kaibigan.