ANG dating aktres na si Sheryl Cruz, anak nina Ricky Belmonte at Rosemarie Sonora (kapatid ni Susan Roces), ay nagbigay ng makabuluhang reaksiyon tungkol sa pagtakbo bilang Presidente ng kanyang pinsang si Sen. Grace Poe- Llamanzares.
“Hindi po siya handa sa napakalaking responsibilidad bilang Pangulo,” simula ni Sheryl. “Kilalang-kilala ko siya dahil magkasama kaming lumaki. May mga bagay na hindi maaring madaliin at kailangang maghintay.
“Ang pinsan ko ay baguhan. Oo. Maganda na mayroong mga bagong mukha sa pulitika, pero mas maganda na pag-ibayuhin muna ang kakayahan.
“Dapat ipagkatiwala muna ang panguluhan sa mga taong mas maganda ang magagawa. Hindi dahil sa wala akong tiwala sa kanya. Alam ko na magiging magaling siya sa kanyang gagawin. Pero hindi muna ngayon. Malamang sa 2022. Bigyan pa natin siya ng sapat na panahon.
“Hindi ko kapatid si Manang Grace. Ang mama ko (Rosemarie) ay hindi niya ina. Tigilan n’yo na ang ikinakalat n’yong kasinungalingan,” dagdag ni Sheryl na apektado na rin sa tsismis na si Grace ay anak ni Rosemarie kay yumaong dating President Marcos.
Hinahangaan ko si Sheryl. Pinatunayan niya sa kanyang statements hindi lamang ang kanyang maturity kundi pati ang kanyang level-headedness. Hindi komo’t pinsan niya si Grace ay pabor na siya sa kandidatura nito bilang Presidente.
Mabuti pa si Sheryl kung ikukumpara sa mga trapong balimbing at traidor sa kanilang partido na ang tingin kay Grace ay isang “conquering heroine” at isang “saviour of the world”. Mabilis pa sa kidlat na naglipatan ang mga otro oportunista sa kanyang grupo.
Hindi ko hinuhusgahan ang katangian ni Grace, ngunit katulad din ng paniniwala ng kanyang pinsang si Sheryl, bubot pa siya para manungkulan bilang Presidente.
Nagkaroon na tayo ng on-the-job-training-President na isang total failure, sana hindi na ito maulit.