LABINDALAWANG bahay na ginawang drug den malapit sa Camp Crame ang sinalakay ng 100 pulis mula sa PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force noong Lunes (AIDSOTF). Tatlumpu’t tatlo ang nahuli, may kasama pang aktibong pulis at dating opisyal ng barangay. Ilang paketeng shabu at kagamitan para makagawa nito ang nakuha. Kaya malakas ang loob na magtayo ng drug den malapit sa Camp Crame ay dahil may pulis na kasapakat. Isama pa ang impluwensiya ng dating opisyal ng barangay at ligtas na sila sa huli. Iyon ang akala nila.
Mabuti na lang at may mga pulis na tapat pa rin sa trabaho. Isipin mong napakalapit sa kampo ng mga pulis ang kuta ng mga kriminal. Hindi ako maniniwalang isang pulis lang ang may alam ng mga drug den na iyan, kaya dapat maimbestigahan pa lalo ang operasyon ng mga iyan, at kung sino pa ang kanilang mga padrinong pulis at opisyal ng barangay na kasama sa kanilang organisasyon. Paano hindi mapapansin ang 12 bahay na drug den sa isang lugar lamang kung hindi sangkot ang mga opisyal ng barangay?
Malungkot na hanggang ngayon, kung kailan sinisikap ng PNP na mapaganda ang kanilang imahe at maibalik ang tiwala ng publiko sa kanila, ganito ang mababalitaan natin. At industriya ng iligal na droga pa ang hawak ng mga ito. Ang iligal na droga ay salot ng lipunan. Maraming buhay na ang sinira, maraming pamilya ang winasak. Dapat lang kasuhan at parusahan ang lahat ng nahuli sa raid, mas lalo pa sa pulis na kasama ng mga kawatan. Marangal ang pagiging pulis, na sinira lang ng PO2 Ronaldo Baltazar na ito.
Babala ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na hindi nila titigilan ang lahat ng sangkot sa iligal na droga, maging pulis man o hindi. Sana nga. Ang mahalaga ay mabuwag ang sindikato na nagpapatakbo nito. Kung may mga pulis na sangkot, sigurado malaki na ang organisasyon na bumibili ng mga kaluluwa ng mga ito. Baka may mga drug den na malapit sa iba pang mga istasyon ng pulis, hanapin na ang mga ito at salakayin na.