TATLONG taon ding nagtago sa isang island resort sa Thailand ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, mga suspected masterminds sa pagpatay kay Palawan journalist at environmentalist Gerry Ortega. Si Joel Reyes, 63, ay dating governor ng Palawan samantalang si Mario Reyes, 54, ay mayor ng Coron, Palawan. Ayon sa Thai authorities, nahuli ang dalawa noong Lunes dahil sa isang tip mula sa Interpol na nalathala sa Bangkok Post. Agad nagtungo ang mga pulis sa Rawai Phuket Muang District at nahuli ang dalawa sa inuupahang apartment. Inamin ng dalawa na umalis sila ng Pilipinas noong 2012 at nagtungo sa Thailand makaraan iisyu ang warrant of arrest laban sa kanila. Ayon sa mga awtoridad, idedeport na ang dalawa sa lalong madaling panahon.
Nang kumalat ang balita na nahuli na ang Reyes brothers, nakahinga nang maluwag ang pamilya ni Gerry Ortega lalo na ang biyuda nito na si Patty. Sabi ni Patty gusto niyang makita na nakaposas ang Reyes brothers at harapin ang kasong isinampa sa kanila. May pangamba ang pamilya ng Ortega na posibleng makatakas ang magkapatid.
Pinaslang si Ortega habang pumipili ng damit sa isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya habang nakatalikod at tinamaan sa batok. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan ay isa-isang pinatay ang mga ito. Siniguro na hindi “maikakanta” ang mastermind ng krimen. Mula nang mapatay ang environmentalist, hindi na tumigil ang kanyang pamilya sa paghingi ng katarungan at panawagang arestuhin ang mga suspect. Sabi pa ng biyuda ni Ortega, kung talagang nais na arestuhin ang mga suspect madali namang magagawa ito ng mga awtoridad.
Marami pang fugitives na hanggang ngayon ay patuloy pang nalalansi ang mga awtoridad. Sa pagkakahuli sa Reyes brothers, inaasahang madadakma na rin ang nagtatagong si dating Dinagat Rep. Ruben Ecleo. Si Ecleo ay pinaghahanap dahil sa kasong parricide dahil sa pagpatay sa asawa nitong si Alona Bacolod-Ecleo. Hinatulang guilty si Ecleo ng Cebu Regional Trial Court.
Hanapin at dakmain na ang iba pang nagtatago sa batas at pagbayarin sa kanilang kasalanan. Nauuhaw na sa hustisya ang mga pamilya ng biktima.