MATINDI ang nahukay na kayamanan ni Attorney Tara sa ahensiya ni Chairman Francis Tolentino. Ayon sa mga dismayadong traffic constable na aking nakausap, umaabot sa P670,000 ang buwanan ni Attorney Tara mula sa mga district chief. Ang bagman umano ni Attorney Tara ay sina Arman at Roldan na super lupit sa enforcers. Lumutang ang constables na tapat kay Tolentino upang ilantad ang kanilang hinaing at nakiusap na huwag nang banggitin ang kanilang mga pangalan sa takot na balikan sila ni Attorney Tara. Mula kasi ng maipuwesto si Tolentino sa Metro Manila Development Authority naging matapat na tagapaglingkod sila ng bayan ngunit dahil sa hindi nila naibibigay ang “tara”, ipinatapon sila sa kangkungan, huhuhu! Noong unang sigwada ni Tolentino naging suwabe ang takbo ng trapiko sa lahat ng lansangan maliban lamang sa Makati, Manila at Las Piñas.
Subalit nang pumasok umano si Attorney Tara sa ahensiya nawalis ang mga Caviteños na tumaya ng buhay sa paglilingkod kay Tolentino. Kasi nga ang lahat ng mga juicy position ay kinopo ng mga trusted man ni Attorney Tara upang mailihim ang collection na nagaganap. Inilabas nila ang baho diyan sa ahensiya ng MMDA upang maisalba ang kredibilidad ni Tolentino para sa 2016 election. Hindi alam nitong aking mga kausap kung may bendisyon ni Tolentino ang P670,000 monthly payola ni Attorney Tara. Kasi nga tinapon na sila sa Kangkungan na ang ilan pa nga ay tuluyan ng tinanggal sa serbisyo matapos pumalag sa kautusan ni Attorney Tara. Maging kasi ang kanilang komisyon sa mga traffic violators at pag-asang magkabahay ay naglahong parang bula.
At upang maging malinaw kay Tolentino ay narito ang mga listahan ng pinagkukunan ng yaman ni Attorney Tara. Terminal Collection Payola to all Supervisors of Terminal Bus Management Dispatch System (BMDS). Alabang P3,000 weekly; Baclaran, P2,000 weekly; Fairview, P3,000 weekly; Navotas, P3,000 weekly na ang kabuuan ay P44,000 a month. Ang Satellite of BMDS Supervisors collection weekly naman sa Tala, P3,000; Buendia, P3,000; NAIA, P2,000; Malanday, P1,000; Gen. Luis, P500; Oliveros, P500; Novaliches, P500 na ang suma sa loob ng isang buwan ay tumataginting na P42,000 na inaabot kay Attorney Tara ng isang alias “Jun Dela Cruz” umano.
At ang pinakamatinding parating na weekly nitong si Attorney Tara ay mula sa District Offices ng Southern, P100,00; Eastern, P50,000; Western, P100,00 at Northern, P20,000 habang ang sa Extention Officeses ng CTED-1, P50,00; CTED-2, P50,000; C-5, P20,000; EDSA, P50,000 at Commonwealth P30,000 na sa tantiya ng aking kausap ay umaabot sa P670,000 payola. Chairman Tolentino Sir, kumilos ka at hanapin si alias “Jun Dela Cruz”. Alamin mo kung sino si Attorney Tara na sumisira sa iyong pagkatao. Kapag patumpik-tumpik ka sa payolang ito. magiging balakid sa iyong ambisyon na maging senador sa 2016. Kilos na bago mahuli ang lahat!