P-Noy napaatras sa ngitngit ng madla
WALANG duda na SAF ang pumatay kay international terrorist Zulkifli Bin Hir alyas Marwan. Patunay ang mga retratong sinuri ng NBI, ng SAF officer sa tabi ng bangkay bago at matapos ito putulan ng kaliwang hinlalato para ipa-DNA comparison ng FBI sa kapatid na nakapiit sa California. ‘Yan ang pahayag ni President Noynoy Aquino nu’ng Huwebes, apat na araw mula nang magsaad siya mismo sa media ng pagdududa sa mga kaganapan sa Mamasapano nu’ng Enero 25, 2015. Kataka-taka ang ginawi ni P-Noy. Inungkat niya ang masasakit na alaala nang pagdudahan niya ang kagitingan ng minasaker na SAF-44. Agad umangal ang mga police generals na minamaliit umano niya ang pagbuwis ng buhay ng mga tauhan nila. Tinutuya rin umano niya ang katapatan ng mga kasapi ng Board of Inquiry na naglabas ng buo at pawang katotohanan. Sinariwa ng mga naulilang kamag-anak ang pag-snub niya sa pagdating ng mga labi ng SAF-44 sa headquarters, ang kawalang-banggit niya sa kanila sa kanyang huling State of the Nation, ang pag-utos umano niya ng pagbaklas mula sa National Police Academy ng mural na dumadakila sa kanila, at ang pagkait ng Medalya ng Kagitingan sa dalawa sa kanila. Pinuna ng media na wala pang hinahabla hanggang ngayon na salarin mula sa MILF at BIFF. At umalma ang madla nang lumitaw na naman si kinamumuhiang MILF chief negotiator alyas Mohagher Iqbal para i-propaganda na bodyguards mismo ni Marwan ang umano’y pumatay sa kanya bago pa man dumating ang SAF raiders.
Ipinapalagay na binawi ni P-Noy ang pagsaad ng pagdududa, at bumaling sa kagalingan ng SAF dahil lang sa pulitika. Nabigla siya sa reaksiyon ng iba’t ibang sektor. Nangamba na malamang na ibaling ng madla ang poot kay Mar Roxas, ang kanyang hinirang na kahaliling Presidente, na namamahala sa PNP, SAF, BOI, iba pang pampulisya nu’ng naganap ang masaker. Kundi lang du’n, wala pa rin siyang “paki.”
- Latest