LUMUWAG na ang trapik sa tapat ng Trinoma Mall sa North EDSA, Quezon City. Dati, nag-uunahan ang mga sasakyan para makaliko at kinakain na ang buong EDSA kaya nagdudulot ng trapik sa lugar. Ngayon, banayad at tuluy-tuloy na ang mga sasakyan. Wala nang sagabal sa lugar na iyon ng EDSA. Ito ay dahil sa mahusay na pagdi-direct ng Highway Patrol Group (HPG) at sa pagsasara ng mga U-turn slots doon.
Nakatulong din ang pagwalis sa mga vendor sa magkabilang gilid ng kalsada na halos kainin na ang dinadaanan ng mga tao. Lumuwag ang tapat ng Balintawak Market dahil nawala ang mga pasaway na vendor. Halos lamunin ng illegal vendors ang portion ng EDSA kaya hindi makaraan ang mga sasakyan at pati na mga tao. Ang resulta, buhul-buhol na trapik na ang buntot ay nasa NLEX. Ngayon ay wala na ang pasaway na illegal vendors dahil araw-araw na nakabantay ang HPG doon.
Pero kung may improvement ang trapik sa EDSA, kalbaryo naman ang trapik sa iba pang mga kalsada sa Metro Manila. Naging inutil na ang mga local traffic enforcers at nag-aabang na lamang ng mga nagba-violate na motorista at kokotongan. Sa halip isaayos ang trapik, ang pangongotong ang inasikaso ng mga “buwayang” traffic enforcers ng city hall.
Sa España Blvd. corner Morayta, grabeng trapik ang nararanasan dahil sa kawalan ng disiplina ng mga bus, jeepney at UV Express drivers na nagbababa ng pasahero sa gitna ng kalye. Wala namang makitang MTPB enforcers sa lugar para maisaayos ang pagbubuhol. Maski sa Quezon Blvd.-Quiapo ay buhul-buhol din ang trapik at inutil ang MTPB na mas inuuna ang paghuli sa mga drayber para delihensiyahan. Sa tapat ng Manila City Hall, labu-labo na uli ang mga sasakyan. Balik sa dati ang trapik. Sa mga unang taon lang ni Mayor Erap Estrada lumuwag ang trapik pero ngayon, naging garahe na uli ng mga jeepney ang tapat ng Manila City Hall. Nakaabang ang mga ‘‘buwayang’’ MTPB doon.
Marami pang lugar sa Metro na matrapik. Mas mabuti kung i-deploy na rin ang HPG sa mga lugar na matrapik. Isaayos nila ang trapik at itaboy ang mga “buwayang” traffic enforcers ng city hall. Nasubukan na sa EDSA ang pamamaraan ng HPG, dapat din silang subukan sa iba pang matrapik na daan.