Bakit napakadaling tumakas?
ISANG milyong piso ang ibibigay ng pamilya ni Enzo Pastor sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan nina Dahlia Pastor at Domingo “Sandy” de Guzman, ang dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa batikang karerista. May isang milyong pisong pabuya na unang inalay ni Davao Mayor Rodrigo Duterte para mahuli ang dalawa. Naniniwala ang pamilya ni Enzo Pastor na makakatulong ang mas malaking halaga para mahuli at makasuhan ang dalawang pangunahing suspek. Mahigit isang taon na ang nakararaan nang mapatay si Enzo Pastor.
Sana nga, may makapagsabi kung nasaan ang dalawang iyan. Pero bakit ba tila napakadaling makawala o makatakas ang mga pangunahing suspek sa mga krimen? Bakit kasi hindi nababantayan nang mabuti kapag naging suspek na, lalo na kung matibay ang ebidensiya laban sa kanila? Alam ko hawak na ng mga otoridad si De Guzman noong unang lumutang ang kanyang pangalan. Hawak din ng otoridad ang umanong gunman na si PO2 Edgar Angel. Si Angel hawak pa rin ng mga pulis, pero si De Guzman nawala.
Ganun din sa kaso ni Vhong Navarro. May mga nakatakas kaagad nang lumutang ang kanilang mga pangalan, base na rin sa CCTV kung saan kitang-kita kasama sila sa pagpunta sa unit ni Deniece Cornejo. Ganun din ang ibang mga suspek sa mga hazing kung saan napapatay nila ang mga neophyte. At siyempre, ang tumakas na kapatid ni Ramgen Revilla na si Ramona Bautista. Palagi na lang may makakatakas kaagad. Tila napakadaling takasan ang batas sa ating bansa.
Nakakatakas ang mga iyan dahil sa kanilang impluwensiya at pera kung saan nabibili nila ang kaluluwa ng mga tumutulong sa kanilang makatakas. Hindi na kailangang tanungin kung bakit nakakaalis. Dapat may mas magandang sistema para bantayan ang mga suspek sa krimen. Dapat alam kaagad ang lahat ng kilos nila, para mapigilan kung aalis na ng bansa o magtatago na. Palagi na lang ganyan ang nababalitaan natin kapag may krimen kung saan mga mayayaman o makapangyarihan ang sangkot. Hindi tulad sa ibang bansa kung saan nahuhuli kaagad ang mga suspek, at nababantayan. Sana ganun din dito para wala nang makatakas o mawala nang ganun kadali.
- Latest