BILIB ako sa pagkapursigido ng Liberal Party sa panliligaw kay Sen. Grace Poe upang maging vice presidential running mate ni Mar Roxas na tatakbong pangulo sa 2016. Up to the last minute!
Sabagay, matagal nang expected ng taumbayan na hindi makukumbinsi si Poe na bumaba sa pagka-bise dahil ipinagwawagwagan niya ang kanyang mataas na rating. Kaya naman hindi siya masisisi kung tumanggi siya sa alok ng LP.
Kahit ang LP naman ay kumbinsido na mas mataas nang di hamak ang rating ni Poe kumpara kay Roxas. Ngunit ang iniisyu ng LP kay Poe ay ang kanyang pagiging hilaw at hindi pa handa sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.
Pero sa kabila niyan ay hindi nawalan nang self-confidence si Poe. Nagdesisyon na ang Senadora at buo na ang kanyang pasyang kumandidato sa pagka-pangulo na ang katambal bilang vice ay si Sen. Chiz Escudero. Basted si Mar kay Grace. Mabuti pa nga si Grace, kahit tatakbong independent ay may bise na. Sina Mar at Binay, parehong wala pa.
Pero hindi tulad ng ibang “mangingibig,” nabigo man ay hindi nagmukmok sa sulok si Mar. Hindi nilunod ang sarili sa alak dahil lamang sa isang kabiguan. Dapat mag-move on kaya ibinaling ang panliligaw sa isa pang potensyal na bise presidente. Iyan si Camarines Sur Rep. Leni Robredo. Pero sa maraming pagkakataon, Ilang ulit ding inihayag nang walang kagatulgatol ni Leni na ayaw niyang tumakbo sa pagka-bise presidente. Hindi raw niya alam kung kaya niyang yakapin ang kalakaran ng pulitika. Weeh? Ewan ko lang. Baka naman ito’y “hele-hele bago kiyere” sabi ng mga matatanda.
Anang Malacañang, bagay maging runningmate ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas si Robredo dahil sa track-record bilang neophyte na lawmaker. Ito ang sinabi ni Press Undersecretary Abigail Valte.
Inalok na ni Roxas si Robredo na maging runningmate sa darating na 2016 elections sa ilalim ng LP. Ang iba pang kinukonsiderang alternatibo ng LP para maging bise ni Mar ay sina Sen. Alan Peter Cayetano, Justice Sec. Leila de Lima, at BIR Commissioner Kim Henares.