DUMATING na sa Manila ang prototype na bagon ng MRT-3 commuter train. Matagal nang hinihintay ni Transport Sec. Joseph Abaya ang “fully functional model” ng 48 bagon na inorder niya nu’ng 2013 nang P3.8 bilyon sa China. Ipinagmamalaki niya na pandagdag ang mga ito sa 73 lumang bagon. Bibilis at lilimit umano ang biyahe, para sa kapakanan ng 560,000 pasahero araw-araw sa MRT-3.
Teka, bakit nu’ng na-televise ang prototype ay itinulak ito ng luma na bagon sa riles patungong depot? Bakit hindi ito umaandar nang sarili?
Ay, wala palang makina ang prototype. Dapat, bilang fully functional model, hindi lang ito umaandar kundi kaya rin mag-preno, umatras-abante, lumiko sa kurbada, tumulak-humila ng ibang bagon, maikabit sa signaling system ng buong MRT-3, at may air-condition, ilaw, automatic doors, at marami pang ibang accessories. Kung wala itong makina ay wala itong silbi.
Ani Abaya, darating pa lang sa Oktubre ang inorder niyang traction motor mula Germany. Isasalpak ito sa protoype para ma-testing hanggang Disyembre. Tapos, magagamit na umano simula Enero -- kasama ang mga darating pang ibang bagong bagon.
Huwag sana masyado mabilis magsalita si Abaya, dahil baka makagat ang dila. Labag sa kontrata ang prototype na walang makina. Nakasaad du’n na bago pa man ito dalhin sa Manila, dapat na-test run na ito nang 5,000 kilometro. Kung wala itong makina, ibig sabihin ay hindi ito na-test run. Dahil walang testing, hindi dapat ito tinanggap ni Abaya.
Balak ni Abaya na sa riles ng MRT-3 i-test run lahat ng bagong bagon. Aba’y baka hindi masunod ang hinihinging 5,000-km na takbo. Kasi, magagawa lang ito sa gabi, habang off ang regular na biyahe ng tren. Sa standard test, dapat inspeksiyunin ang gulong, preno, catenary, electronic connectors, at electrical parts tuwing 150 km. Mawawasak ang lumang riles. Mapepeligro ang mga motorista sa ibaba ng EDSA.