MABABA ang pagtingin ngayon ng mamamayan sa mga pulis. At walang dapat sisihin kundi sila na rin dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang illegal na gawain. Sa kasalukuyan, may mga pulis na sangkot sa pagtutulak ng shabu, pangingidnap, panghuhulidap, pangongotong, gunrunner, pangsa-salvage, pangto-torture at marami pang iba. Masyadong mababa ang tingin ng mamamayan sa mga pulis na masulyapan lamang ang asul na uniporme ng mga pulis, ay iba na agad ang kanilang naiisip. May mga tao na natatakot humingi ng tulong sa mga pulis sapagkat mas lalo raw silang mahuhulog sa panganib.
Subalit sa tumpok ng mga bugok na pulis, mayroon pang natitirang mabuti at handang isugal ang buhay para maprotektahan at maipagtanggol ang mamamayan.
Kagaya ni PO2 Ryan Cabansag, 31, nakatalaga sa Headquarters Support Service sa Camp Crame. Hinarap ni Cabansag ang tatlong holdaper ng bus noong Linggo ng gabi at napatay niya ang dalawa. Nakatakas ang isa pa. Naganap ang panghoholdap habang binabagtas ng Del Carmen bus na biyaheng Bocaue, Bulacan ang northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX). Ayon sa mga awtoridad, paglampas ng Balintawak Toll Plaza ay nagdeklara ng holdap ang tatlong lalaki na armado ng baril. Hindi nasiraan ng loob si Cabansag at nagpakilalang pulis sa mga holdaper subalit sa halip na magbaba ng armas, pinaputukan ang pulis. Gumanti si Cabansag at napuruhan ang dalawang holdaper. Nakatakas naman ang isa pa. Ayon pa sa report, kasama ni Cabansag sa bus ang kanyang pamilya nang maganap ang insidente.
Kahanga-hanga ang ipinakitang tapang ni Cabansag para maprotektahan ang mga pasahero sa mga kawatan. Isinugal niya ang buhay sa pagkakataong iyon. Dapat siyang bigyan ng parangal at itaas ng ranggo. Bihira na ang mga pulis na buo ang loob sa pagharap sa panganib.
Habang ang maraming pulis (may mataas na opisyal pa) ang gumagawa ng illegal at nagpapayaman sa puwesto, narito ang isang pulis na itinaya ang buhay sa panganib para makapaglingkod. Dapat pamarisan ng ibang pulis si Cabansag. Ang katulad niya ang magbabangon sa PNP.