MARUNONG din palang umamin ng kapalpakan ang mga nakaupo sa Palasyo.
Nagising na rin sila sa wakas dahil ang publiko, nagagalit na, miserable na ang buhay dahil sa trapiko, malungkot, nawawalan ng pag-asa at malapit nang mapuno.
Aminado ang Malacañang na kaya nagkakawindang-windang ang trapiko sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng imprastruktura partikular ng mga daan at flood control infrastructure o mga kanal at estero.
Ganito rin ang suhestiyon ng Management Association of the Philippines (MAP). Imprastruktura, pagbibigay ng sapat na impormasyon at kaalaman sa publiko at pagpapatupad ng batas. Kung tawagin nila engineering, education at enforcement.
Sino ba naman kasi ang hindi mabubuwisit, umaga palang mala-parking lot na EDSA na ang bumubungad sa mga mananakay at motorista. Konting ulan lang, mataas na agad ang baha hindi na makausad ang mga sasakyan. Ang mala-sardinas naman na mga bagon ng MRT at LRT, pupugak-pugak at puro aberya.
Naranasan ito noong Setyembre 8. Ang mga motorista at mananakay, gabi noong umalis sa kanilang mga tanggapan pero umaga na, tengga pa rin sa daan.
Kung babalik-tanawin noong panahon ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo, nagsisimula pa lang ang tag-araw agresibo na sa declogging at dredging activity o paglilinis ng mga kanal at estero ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Hindi ganito ang DPWH at MMDA ng kasalukuyang administrasyon bagkus ang makikita, abala sa pulitika at pamumulitika.
Pero bumawi naman si President Noy Aquino nitong mga nakaraang araw. Sisimulan na raw nila ang mga malalaking proyekto o big ticket transport project tulad ng mga airport, seaport, tulay at mga daan.
Lumalabas, sa loob ng limang taon, saka palang sisimulan ng administrasyon ang mga imprastrukturang dapat noon pa nakikita, nararamdaman, napapakinabangan at natatamasa ng mga ‘boss.’ Hindi ‘yung ngayon palang sila kikilos dahil ang tao, napuno na.
Kaya nga sa pag-aanalisa ng BITAG Live sa uri ng pamamahala, pangangasiwa at pamumuno sa bansa, ano ang pipiliin ni Juan at Juana Dela Cruz, pagbabago o pagpapatuloy ng sinasabing tuwid na daan?
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.