SA unang anim na buwan ng taong ito, higit 4,000 kaso ng malaria ang naitala sa Palawan. Kaya may pangamba na baka kumalat ang sakit. Isa pa naman ang Palawan sa mga lugar na pinupuntahang ng mga turista. Katulad ng dengue, ang malaria ay sakit na dala ng lamok. Ang babaing lamok na Anopheles ang kumakagat sa tao. Kung nataon na may dala na itong parasito, lumilipat ang mga ito sa dugo ng tao. Sa atay lumalaki at dumadami ang parasito. Dito na nagsisimula ang mga sintomas ng malaria.
Sakit ng ulo at katawan, pagkahilo, pagsusuka, mataas na lagnat at panginginig ang sintomas ng malaria. Kapag matindi ang impeksyon at hindi nagamot, puwedeng mamatay ang biktima. Noong panahon ng digmaan, maraming sundalo ang namatay sa malaria kaysa tinamaan ng bala.
May gamot para sa malaria. Ang mahalaga ay mapasuri ang dugo para makumpirma kung positibo na. Makakatulong ang gamot kung iinumin ang mga ito kapag patungo sa lugar na positibo sa malaria. May kamahalan lang ang gamot.
Katulad ng dengue, ang kailangang gawin ay kontrolin ang dami ng lamok sa lugar. Tanggalin ang tubig kung saan pwedeng mangitlog ang lamok. Ang paggamit ng insecticide sa mga lugar na maraming lamok. At ang paggamit ng kulambo para hindi pinagpipistahan ng lamok.
Sa modernong panahong ito, hindi pa rin natin matanggal ang salot ng mga lamok. Ang lamok nga ang pinakapeligrosong hayop sa buong mundo, dahil sa dami ng taong namamatay sa mga sakunang dala nito. Hindi biro ang maliit na insekto, na dapat nilalabanan nang husto, bago magdulot ng peste at kamatayan sa atin.