SANAY NA TAYO na may traffic sa EDSA. Sa halos araw-araw nating pagdaan sa pinakamalaki at mahabang ugat sa Metro Manila (main vein) kailangan nating habaan ang pasensiya.
Ginamit na nga itong dahilan na kapag nahuhuli sa anumang miting o ‘appointment’, maski na sa trabaho o sa eskwela, laging sagot “Traffic sa EDSA”.
Upang magkaroon ng kaayusan ang daloy ng trapiko sa iba’t ibang lugar dito sa bansa ang Highway Patrol Group (HPG) ang naatasan dito.
Sila ang mga nagpapatupad ng mga paraan upang mas mabawasan ang kabagalan ng daloy ng trapik sa lugar.
Nung Martes, ikawalo ng Setyembre 2015 ay bumuhos ang ulan na tumagal ng halos isang oras. Umabot hanggang bewang ang baha sa ilang lugar at hanggang tuhod naman ang ilan.
Ang EDSA na dati ng mabagal ang usad ng trapiko ay nagmukhang malaki at mahabang ‘parking lot’ sa magkabilang dako.
Ang malimit na isang oras at kalahati niyang biyahe ay umabot ng halos apat na oras.
Natawa ako nang mabasa ko ang komento ng isang motorist na umalis siya ng opisina niya September 6, September 9 na siya nakarating ng bahay.
Isa sa aking nakapanayam si Mang Almario na nakatira sa Parañaque. Nanggaling pa siya ng Quezon City at hindi niya inasahan ang naging haba ng biyahe niya.
“Gutom, pagod, yamot at inip na ang inabot ko sa kalsada. Hindi ka makaalis para bumili ng pagkain dahil usad suso’ ang daloy ng trapiko,” kwento ni Mang Almario.
Kahit isang HPG ay wala siyang namataan sa mga lugar na binansagan nilang ‘choke points’.
Ang ‘choke point’ ay kung saan kadalasan nagsisikip ang trapik na para bang sinasakal ang daloy nito.
May isang pasahero ang nagtext sa amin na may sakit siyang ‘Diabetes’ at inatake ng ‘Hypoglycemia’ o yung pagbagsak ng blood sugar dahil sa gutom. Kinailangan niyang bumili ng tinapay at nakabalik pa siya muli sa bus na kanyang sinasakyan dahil nga hindi gumagalaw.
Maging sa ‘social media’ tulad ng Facebook, Twitter at Instagram ay marami nang larawan ang kuha mula sa sinapit nilang trapik.
Madalas na nating marinig sa mga pulitiko na bibigyan nila ng pansin ang problema sa trapiko ngunit hanggang ngayon wala pang nakakaisip ng magandang paraan upang maibsan ito.
Alam nating lahat na sinisimulan na ngayon ang paggawa ng ‘fly over’ ngunit tatagal pa ito hanggang 2017.
Ang nakadaragdag pa sa ating problema ay ang patuloy ang paggawa ng motorsiklo at sasakyan ng mga kilalang kompanya pero hindi naman lumuluwag ang ating mga kalsada.
Hindi naman natin sila mapipigilan sapagkat negosyo nila ito.
Ang mga nakatokang magsaayos nito ang kailangan humanap ng magandang solusyon para rito.
Hindi uubra ang sinasabi nilang ibabalik ang ODD-EVEN SCHEME kung saan mahahati ang mga kotseng nasa lansangan. Meron din naman nagmumungkahi na ipagbawal ang iisang pasahero lamang ang lulan sa isang sasakyan.
Hindi rin maayos ito, bakit? Kasi walang ‘political will’ na magbuo ang ilang libong traffic management marshalls habang ang ginagawang malaking proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at isali mo pa ang darating na Pasko kung saan darami pa ang mga motorista at mananakay na lalabas para paghandaan ito.
Inamin ni Director/Chief Supt. Arnold Gunnacao ng HPG na hindi sila handa sa nangyaring pagkaka-stranded ng mga motorista sa EDSA nung Martes.
Kulang umano sila sa impormasyon kung saan ang ‘flood-prone areas’. Bagama’t naisip na nila ito huli na nang humingi sila ng impormasyong kinakailangan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Humingi daw sila ng kopya kung saang lugar ang maaapektuhan ng baha ngunit huli na ang kanilang kahilingan.
Pinabulaanan niya din na tumigil na ang mga HPG nung lumakas ang buhos ng ulan. Nandun daw ang mga ito ngunit hindi lang napansin dahil nakasuot sila ng Ponchos na walang reflectorized.
Meron akong miting sa Greenhills at natapos kami ng alas nuwebe ng gabi. Napasok ako ng EDSA at nakarating ako ng Alabang ng ala-una ng umaga. Wala akong nakitang mga tao mong taga-HPG.
Ngayon naman magtatalaga sila ng Special Weapons and Tactical Group (SWAT) sa EDSA. Aaminin kong matatapang at magagaling ang mga taga-HPG at SWAT ang paglagay sa kanila sa EDSA ay hudyat ng pagbubunyi ng mga Carnappers at mga Criminal Elements dahil nabawasan ang huhuli sa kanila dahil nagtratrapik sa EDSA. Matapang nga sila takot naman sa ulan. Ano yan?
Limang taon kayong nakapwesto d’yan Presidente P’noy. Ang mga tinagurian mong ‘MGA BOSS MO’ ay stangkado sa EDSA. Ano bang solusyon mo habang ngayon ninyo lang naisip na gumawa ng malaking proyektong ‘fly-over’ na sa 2017 pa matatapos?
Merong mahigit dalawang libong (2,000) pulis ang nakatengga lamang sa Camp Bagong Diwa at sila ay tinatawag na CIVIL DISTURBANCE MANAGEMENT BATTALION. Tinatawag lamang sila kapag meron mga demonstrasyon, ang mga kalaban ng administrasyon. May mga VIP na darating (tulad ng Santo Papa) at ngayon ang mga ‘Dignitaries na dadalo sa APEC’.
Civil disturbance na nga nangyayari sa EDSA!!!. Bakit hindi sila ang sanayin ng isang linggo, bigyan ng tamang panlaban sa ulan at bagyo at panatilihin ang daloy ng trapik sa EDSA?
Hangga’t hindi ninyo naiintindihan ‘yan kahit anong ganda ng plano ang inyong iisipin na gagawin ito’y gagana lang sa papel pero pagdating sa dulo-dulo balewala lamang ito dahil ang mga nagpapatupad ay tinatamad.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618