MATINDI ang trapik sa Metro Manila. At batay sa isang survey site Numbeo.com panglima ang Pilipinas sa may pinaka-worst traffic sa mundo. Nangunguna ang Egypt sa listahan na sinundan ng South Africa, Thailand, Iran, Philippines, Turkey, Russia, India, Brazil, Argentina, Indonesia, Singapore, Malaysia, China at Venezuela.
Nag-takeover na ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa pangangasiwa sa trapik subalit wala pang epekto. Pangatlong araw pa lang ngayon ng HPG sa pangangasiwa ng trapik sa EDSA. Marami namang umaasa sa kakayahan ng HPG.
Bukod sa trapik, matindi rin ang air pollution sa Metro Manila. Nakabalot sa papawirin ng Metro Manila ang nakalalasong usok na nalalanghap ng mga tao. Nakamamatay ang usok na mula sa mga pampasaherong bus.
Nang magkaroon ng ranking sa 230 siyudad sa buong mundo na gustong tirahan ng mga dayuhan, lubhang napakalayo ng Metro Manila para piliin. Nasa ika-136 na puwesto lamang ito. Pinakamarami ang gustong manirahan sa Vienna, Austria.
Sa mga siyudad sa Southeast Asia, pinakamarami naman ang gustong manirahan sa Singapore na nasa ika-26 na puwesto. Pinagbasehan sa ranking ang political and social environment, economic environment, socio cultural environment, medical and health considerations, schools and education, public services and transport, recreation, housing and natural environment.
Kakaunting dayuhan ang nagnanais manirahan sa Metro Manila at ang numero unong dahilan: Air pollution. Mapanganib ito sapagkat unti-unting pinapatay ang mamamayan. Nagdudulot nang maraming sakit --- pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Nasaan na ang anti-smoke belching campaign ng DENR? Ningas kugon ba? Nasaan na ang sinabi ng LTFRB na ipagbabawal na ang mga sasakyang may edad 15 taon pataas. Bakit narerehistro pa ang mga karag-karag? Nasaan na ang Clean Air Act of 1999?
Wala na sila! Naglaho na ang kampanya laban sa mga lumalason sa kapaligiran.