MAY bagong anomalya si Transport Sec. Joseph Abaya. Nangongontrata siya ng P4.25-bilyong rehab ng MRT-3, pero walang public bidding. Closed-door negotiations lang. Hindi inanunsiyo sa DOTC website o sa PhilGEPS (Government Electronic Procurement System). Sino kaya ang pasikreto niyang babalatuhan ng higanteng kontrata?
Ang palusot ni Abaya sa lihim na negosasyon ay “emergency” umano ang rehab. Kabulaanan ‘yon. Hindi itinuturing na emergency ang proyektong mahigit isang taon. Hindi rin emergency kung matagal nang nilaan ang budget. Emergency lang kung dahil sa sakuna.
Pinabubulaanan ang emergency mismo ng papeles ni Abaya. Apat ang bahagi ng P4.25 bilyon: Maintenance, P2.27 bilyon, tatlong taon; overhaul ng 43 coaches, P1.02 bilyon, tatlong taon; bagong signaling system, dalawang taon, P900 milyon mula sa 2014 supplemental budget; at samu’t-sari pang maintenance, P68 milyon. Malinaw doon na mahigit isang taon ang kontrata, at matagal nang na budget-an -- kaya hindi totoong emergency.
“Emergency” ang ginawang modus ni Abaya nu’ng palihim na kontratahin ang PH Trams nu’ng Okt. 2012-Aug. 2013. Bigla niyang inalis ang 12-taong maintenance contract ng Sumitomo. Binigay ang P535 milyon sa mun-ting kumpanya na dalawang buwan pa lang, kapos ang kapital na P625,000, at walang karanasan sa railways.
‘Yon pala, ang mga incorporators ng PH Trams ay ka-Liberal Party ni acting president Abaya. At isa ru’n ay tiyuhin pa ni noo’y-MRT-3 general manager Al Sanchez Vitangcol II.
Kinasuhan ng Ombudsman ang incorporators at si Vitangcol. Pero si Abaya ay pinalusot. At dahil gan’un siya kalakas, nilakihan na ni Abaya ang anomalya— dati P535 milyon, ngayon P4.25 bilyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).