NALULUNOD na ang taumbayan sa mga kontrobersiyang naglalabasan sa bansa.
May mga natutsubibo, may mga nag-aanalisa at mayroon namang sumasabay lang sa mga nangyayari sa pulitika at pamumulitika.
Sa dami ng isyu, hindi na matukoy kung sino ang bida at kontrabida. Sino ang nagsasabi ng totoo at basurang kasinungalingan, nagsasabi ng tama at mali at kung sino ang papaniwalaan.
May mga kasong natututukan depende sa kulay ng nag-iimbestiga at iniimbestigahan, mayroong pilit kinalkal para gibain ang isang personalidad, may mga isyung napag-iiwan o ‘di naman kaya inuunang tutukan at mayroon din namang pilit tinatabunan ng ibang isyu para mapagtakpan ang kahinaan at kapalpakan ng kanilang kaalyado.
Ganito ang estado ng gobyerno, masyadong political state ang Pilipinas. Ibig sabihin, ang desisyon at atensyon sa mga isyu, nakapokus at nakadepende doon sa mga nakaupo. Ang mga Juan at Juana Dela Cruz naman, naaaliw nalang sa mistulang national past time.
Delikado ito sa mga salat sa kaalaman o sa mga wala nang panahong mag-analisa pa sa kanilang mga naririnig, napapanood at nababasang balita. Ang pagbuo ng kanilang pananaw, persepsyon at desisyon naka-sentro nalang sa kung sino ang nagsasalita.
Kung titingnan at aanalisahing mabuti ang lahat ng mga nangyayari sa bansa, epekto nalang ito ng problema. Ang totoong dahilan, may problema sa uri ng pamumuno at pangangasiwa ng mga nakaupo sa pamahalaan.
Ang hubo’t hubad na katotohanan, marami ang gustong maging lider pero wala namang sapat na kaalaman. Wala ang mga katangian at kakayahang mamuno kaya ang pagpapaunlad ng pananalapi o fiscal management, nagkakawindang-windang.
Walang makitang mga imprastruktura partikular sa lansangan na dapat matagal nang napapakinabangan. Ang nangyayari tuloy, nagbabayad ng buwis ang taumbayan pero ang balik sa kanila, pahirap at kalbaryo.
Hindi makita at maramdaman ang transparency sa gobyerno. Ang mga “boss” nangangapa pa rin sa dilim kung saan napupunta ang kanilang kontribusyon sa kaban ng bayan.
Higit sa lahat, hindi ramdam ang pag-ako ng pananagutan sa mga namumuno bagkus ang makikita at maririnig, pagtuturuan ng sisi.
Sa lahat ng mga kaganapang ito sa gobyero, sana natuto na ang taumbayan at mahalagang hindi mawala sa totoong isyu.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.