SARI-SARI ang reaksiyon sa balita na ang PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) na ang mamumuno sa pagsasaayos ng trapik sa EDSA. May mga natuwa, may mga bumatikos, may mga nangamba. Karamihan ng mga natuwa ay pare-pareho ang paliwanag. Armado ang PNP-HPG, kaya mas magkakaroon ng takot na sa kanila ang mga aroganteng motorista, hindi tulad ng MMDA traffic enforcers na hindi armado. May mga insidente kung saan sinasaktan pa ang traffic enforcers, at kadalasan ay hindi sinusunod dahil wala namang panghabol na sasakyan. Matatandaan natin na ilang beses nang humiling ang MMDA na maging armado na sila, pero hindi ito pinayagan dahil wala namang pormal na pagsasanay ang mga traffic enforcers na humawak ng armas.
Kapansin-pansin naman sa mga hindi natuwa ay mga drayber ng pampublikong sasakyan. Ayon sa kanila, babalik lang ang pangongotong sa kanila ng mga pulis. Kaya hinikayat ng Palasyo at pamunuan ng PNP na kunan ng mga mamamayan ang mga pulis na makikitang nangingikil sa mga drayber kapag sinita, at isumite sa PNP. Agad daw aaksyunan ang mga ebidensiya ng pangingikil. Pero kung ganito naman sinasabi ng mga drayber, kailangan din sabihin na karamihan sa hanay nila ang hindi disiplinado sa kalsada. Karamihan sa kanila ang walang pakialam sa mga batas-trapiko para lang makabiyahe nang marami.
Kung disiplinado ka at sumusunod ka sa mga batas-trapiko, ano ang takot mo sa mga pulis? Kung hindi ka palasingit ng alanganin, kung nagsasakay at nagbababa ka ng pasahero sa tamang lugar at sa tamang oras, kung hindi ka mabilis magpatakbo at parang ahas sa kalsada, ano ang takot mong mahuli?
Magsisimula na ang PNP-HPG sa Lunes. Kung magiging matagumpay ang bagong sistema ay oras lang ang makapagsasabi. Pero inaasahan ko na sa unang araw pa lang ay marami na silang mahuhuling mga drayber na pasaway. Sigurado maraming magrereklamo. Pero kailangan na talaga ng mga solusyon sa trapik sa EDSA. Marami nga ang nagsasabi na bakit ngayon lang ito naisip. Kung maging matagumpay at magiging maayos ang trapik, kahit bahagya, magpasalamat na lang tayo at pinatupad. Kung maging matagumpay, dapat gawin din ito sa ibang kalsada, hindi lang sa EDSA. Lalo na sa mga kalsada na may mga tricycle at napakaraming hindi disiplinadong drayber ng tricycle. Wala kasing nanghuhuli sa kanila kaya walang disiplina.