PRRRT!!! Substitution… “MMDA out PNP-HPG in”! Chairman Francis Tolentino foul-out. PNP chief Ricardo Marquez in. Ito ang mariing hiyaw ni Pres. Noynoy Aquino matapos mairita sa batikos ng sambayanan ukol sa araw-araw na trapik sa Metro Manila particular na sa EDSA. Sa totoo lang mga suki, dapat bakantehin na ni Tolentino ang Metro Manila Development Authority dahil abala na siya sa paglilibot sa buong kapuluan para sa kanyang ambisyon sa Senado. Ang kanyang pangungunyapit sa puwesto sa MMDA ang maglalagay din sa kanya sa kangkungan pagdating ng 2016 election.
Paano nga naman laging isinisisi sa kanya ang trapik na dinaranas ng sambayanan sa Metro Manila. Dahil ito sa kakulangan ng suporta ng ilang myembro ng Liga ng mga Alkalde sa Metro Manila. Sa totoo lang malaki ang maitutulong ng mga local enforcer ng bawat lungsod sa pagsasaayos ng trapiko kung pairalin lamang ng mga mayor ang patas na pananaw sa madlang people. Sa ngayon kasi pawang mga mandarambong sa kalye at goons ng mga LGU ang enforcers na sinasahuran ng mga tax payers. Mas masahol pa sila sa mga dating pulis kung mangotong sa mga motorista dahil ang kakapalan nila ng mukha ay suportado ng kanilang boss sa city hall.
Kaya malakas ang aking paniniwala sa mga isiniwalat ng ilang drayber ng UV Express na ang tumatabo ng limpak-limpak na salapi sa ngayon ay mga kapanalig na barangay chairman ng ilang Metro Manila mayors. Sila kasi ang may hawak ng mga illegal terminal na talaga namang sagabal sa kalye. Masdan na lang ang lantarang pila ng mga colorum na SUV sa may Rotonda, Roxas Boulevard Service Road at Buendia/Taft Avenue sa kaharian ni Pasay City Mayor Antonio Calixto. Ang Redemptorist at Roxas Boulevard ay okupado ng vendors kung kaya sa kalye na naglalakad ang mga tao at mula naman diyan sa overpass ng Baclaran hanggang sa may kanto ng NAIA Road, Tambo ay okupado naman ng mga provincial buses, jeepney at UV Express ang kalye dahil walang makikitang enforcers ni Paranaque mayor Edwin Olivarez. Magkano kaya ang naibubulsa ni Olivarez?
Sa Maynila, hawak naman ng isang Ligaya Santos ang mga illegal terminal ng buses at UV Express ang kapaligiran ng Lawton. Ayon sa aking tipsters, tumatabo siya ng P4 milyon kada buwan. Kaya ang kasabihang “sa hinaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy” ay akma ngayon dahil sa pulis pa rin babalik ang pagsasaayos ng mga kalye. Iyan ngayon ang papel ng PNP-Highway Patrol Group na ewan kung kaya nilang buwagin upang mapaluwag ang kalye. Mabigat ang pangako ni Marquez na maisasaayos niya ang trapiko sa EDSA sa loob ng isang Linggo, hehehe! May bayag kaya si Marquez na suwagin ang mga alipores ng Metro Manila mayors na tumatabo ng limpak-limpak na pera mula sa vendors at illegal terminal? Abangan!